TINUPOK ng apoy at matinding napinsala ang Alimodian National Comprehensive High School, sa bayan ng Alimodian, lalawigan ng Iloilo, nitong Lunes, 2 Hunyo.
Sa paunang ulat ng Department of Education (DepEd), natupok ng sunog na nagsimula dakong 3:45 ng madaling araw kahapon ang limang silid aralan, ang kantina, klinika, band room, supply room, TLE office, at MAPEH office.
Ayon sa school principal na si Romar Cubin, karamihan sa mga silid na natupok ay nasa lumang mga gusali malapit sa quadrangle ng paaralan na gawa sa kahoy at iba pang light materials.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), pinaniniwalaang koryente ang dahilan ng sunog.
Samantala, nagpaabot ang lokal na pamahalaan ng Alimodian ng tulong sa paaralan.
Ayon kay Alimodian Mayor Ian Kenneth Alfeche, makikipag-ugnayan sila sa DepEd-Division of Iloilo sa pagtatayo ng mga pansamantalang silid aralan sa gym para sa nakatakdang muling pagbubukas ng klase sa 16 Hunyo.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com