HINDI basta makakalimutan ng mga Pilipino ngayon at susunod pa nilang mga henerasyon si Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda dahil sa napakahalagang batas na akda niya na tugon sa napakasakit na kakulangan sa buhay ng retiradong mga manggagawa na nilagdaan na ni Pangulong Bongbong Marcos kamakailan.
Ang naturang batas ay ang “Capital Market Efficiency Promotion Act” o RA 12214 na nilagdaan ni Pangulong Marcos nitong nakaraang Mayo 29. Pinasalamatan ni Salceda ang Pangulo sa paglagda niya sa bagong batas na rereporma sa sistema ng pensiyon upang maging kagalang-galang naman ang buhay ng mga pensiyonado.
“Natatakot tayong magretiro dahil nangangahulugan ito ng kawalan ng kita at katiyakan sa buhay. Wala tayong pensiyon mula sa pinagtrabahuhan natin at hindi naman sapat ang tinatanggap natin sa sistema ng pampublikong pensiyon. Ang lahat ng mga ito ay mababago sa ilalim ng bagong batas na ito,” paliwanag niya.
Binalangkas ni Salceda ang panukalang batas sa Kamara kung saan siya ang House Ways and Means Committee chairman at madali ito naipasa at naiakyat sa Senado. Upang lalong maging malinaw ito, ipinasok niya rito ang ilang probisyon mula sa pinalawak na “Personal Equity and Retirement Account” (PERA) nang tinatalakay ito sa Senate–House ‘bicameral conference committee.’
Sa ilalim ng RA 12214, madali nang makuha ng mga ‘employers’ ang 50% ng ambag nila sa PERA bilang karagdagang kabawasan sa kanilang buwis kung ang ambag nila ay katulad o higit pa sa ambag ng mga manggagawa.
Halimbawa: Kung ang ambag ng manggagawa sa PERA ay P10,000, at tatapatan ito ng ganun ding halaga ng ‘employer,’ maaaring ipabawas ng huli ang dagdag na P5,000 sa kanilang babayarang buwis. Dahil dito, kung 25% ‘corporate income tax rate,’ ang babayarang buwis ng ‘employer’ ay mababawasan ng P1,250 bukod pa sa ibang kabawasan para sa benepisyo ng mga manggagawa.
Ayon kay Salceda, ang RA 12214 ay ang “kauna-unahang seryusong inisyatibo sa loob ng maraming taon tungo sa tunay na kapakinabangan ng mga manggagawa sa pribadong sektor.” Sa kasalukuyan, mababa pa sa 6% ng mga kumpanya ang meron nito para sa kanilang mga empleyado na ang karamihan ay umaasa lamang sa kanilang Social Security System (SSS) pensiyon na karaniwan ay mga P5,800 lamang buwan-buwan na kulang na pambili ng pagkain, gamot at iba pang mga pangangailangan nila.
“Pupunuan ng PERA ang kakulangang ito na makakatulong sa mga manggagawa na makapag-impok sa tulong na rin ng kanilang ‘employers’ at sistema ng buwis. Sa katagalan, ito ang magbibigay ng higit na magaang buhay at dignidad sa mga retiradong pensiyunado,” dagdag ng mambabatas.
Ayon kay Salceda, nilikha ang PERA noon pang 2008, ngunit hindi ito gaanong nagamit kaya 5,945 lamang ang may ‘active accounts’ nito at ₱491.4 million ang kabuuang yaman nitong noong 2024. Sa ilalim ng RA 12214 at makabuluhang mga insentibo nito, at suporta ng mga kabalikat na institusyon at ahensiya, tinatayang lalago ang yaman ng PERA sa P140.6 bilyon sa 2034 at magkakaroon ito ng 1.48 milyong taga-ambag.
Pinuna din ng mambabatas na bagama’t mga ₱6.7 bilyon ang mawawalang kita ng gubyerno sa loob ng 10 taon, makakabawi naman ang pamahalaan ng hindi bababa sa P4.8 bilyon sa pamamagitan ng mga ‘capital gains taxes, financial sector activity, and reduced reliance on future public pensions.’
“Ang buong epekto nito ay mararamdaman kapag nagsimulang magretiro na ang kasalukuyang mga manggagawa, ngunit mararamdaman agad ng ekonomiya ang mga benepisyo nito — kasama ang higit na mataas na ipon, higit na malalim ng ‘capital markets’ at higit na malakas, matatag at pangmatagalang mga pamumuhunan,” paliwanag ni Salceda.
Bukod sa mga kapakinabangang nabanggit, tutugon din ang RA 12214 sa maraming mga kailangangang reporma sa ‘capital market taxation,’ kasama ang 1) Pagbaba ng ‘stock transaction tax’ sa 1% mula 0.6%; 2) Pagtanggal sa ‘documentary stamp tax on mutual funds and unit investment trust funds;’ 3) Libreng buwis sa ‘income from redemption of mutual fund and UITF units;’ 4) ‘Standardization at 20% of the final withholding tax on interest income;’ at 6) ‘Flat 15 % capital gains tax on sales of foreign corporate shares.’
“Pabababain din ng mga pagbabagong ito ang ‘cost of investing and make long-term savings more accessible to ordinary Filipinos,” dagdag ni Salceda, na isang respetadong ekonomista.
Binigyan din niya ng diin na ang pinalawak na PERA ay bahagi ng kanyang ‘3-pillar approach to retirement reforms’ kasama ang: a) ‘universal social pension,’ b) pinalawak na mga benepisyo para sa mga ‘senior citizens,’ at c) pagsasa-ayos sa ‘corporate pension system’ sa pamamagitan ng ‘employer-based retirement savings.’
“Pinu-protektahan ng ‘public pension’ ang mahihirap. Tinutulungan naman ng PERA ang mga manggagawang Pilipino na makapag-ipon at makapag-pundar ng sarili nilang pag-aari ang mga pinaka-mahirap. Tinutugunan ng una na bawasan ang kahirapan, at pinalalakas naman ng huli ang kanilang tibay sa buhay. Kapag pinagsama sila, binibigyan nila ang bawat Pilipino ng masayang buhay sa kanilang katandaan,’ Panghuling paliwanag ni Salceda.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com