SUMAKABILANG buhay na OPM legend na si Freddie Aguilar sa edad 72. Kahapon pumanaw si Ka Freddie dakong 1:30 a.m., habang naka-confine sa Philippine Heart Center.
Naulila ni Ka Freddie ang asawang si Jovie at mga anak.
Kinompirma ng abogadong si George Briones, general counsel of Partido Federal ng Pilipinas ang pagpanaw ni Ka Freddie na dating national executive vice president ng PFP.
Nag-post din ang kaibigan at veteran actress na si Vivian Velez sa Facebook ukol sa pagpanaw ng OPM icon.
Ani Vivian, “OPM icon Freddie Aguilar has passed away today (May 27) at the PH Heart Center Hospital.
“He was 72 years old. Our heartfelt condolences to his family and loved ones. His music will forever live on in our hearts. #FreddieAguilar.”
Itinuturing na haligi ng Philippine music industry si Freddie na isang singer-songwriter at nakapagbigay ng karangalan sa Pilipinas.
Nagsimula si Ka Freddie sa pagiging isang street musician at folk club performer sa Maynila at Olongapo hanggang sa makakuha ng regular gig sa Mama Consuelo’s Music Lounge sa Quiapo, Maynila.
Lalong naging matunog ang pangalan ni Ka Freddie sa kanyang awiting Anak na naging isang international hit at isinalin sa 29 wika.
Ang Anak ang best-selling Philippine music record of all time ni Ka Freddie.
Bukod sa Anak, pinasikat din niya ang mga awiting Bayan Ko, Mindanao, Pulubi at marami pang iba.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com