LEGAZPI CITY – “May sapat na panahon pa para mai-pasa at mai-sabatas ang panukalang ‘Universal Social Pension bill’ para sa mga ‘Senior Citizens’ na sadyang kailangan ito.” Ito ang pahayag ni House Ways and Means Committee chair, Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda’
Pasado na sa Kamara ang panukala at nasa Senado na ito sa kumite ni Sen. Imee Marcos. Naniniwala si Salceda na maaaring maipasa ito sa mataas na kapulungan sa natitirang dalawang linggo ng 19th Congress, dahil si Sen. Imee ay isa sa mga pangunahing ‘advocates’ nito sa Senado.
Sa huling liham ni Salceda kay Sen. Marcos nito nakaraang Mayo 15, tiniyak din ni Salceda kay Sen. Imee na suportado niya ang bersiyon ng ‘bill’ na naglalayong pagkalooban ng buwanang P500 ang mga ‘seniors’ na 60 hanggang 69 taong gulang, at buwanang P1,000 naman para sa mga 70 taong gulang at pataas.
Ang naturang mga ayudang pensiyon ay mayrong ‘annual inflation adjustments’ habang pananatilihin naman ang umiiral na buwanang P1,000 pensiyon para sa mahihirap na ‘seniors.’
“Ito ang dahilan kung bakit isinulong ko ang mga ‘fiscal reforms’ gaya ng VAT sa mga dayuhang ‘digital service providers.’ Kailangan natin ng pambansang ‘policy framework’ para tugunan ang dahan-dahang pagkalusaw ng mga ‘universal basic income,’ para mapunduhan ang pagkawala ng karaniwang trabaho dulot ng mga makabagong teknolohiya. Paraan ito upang ang mga kapakinabangang bunga ng bagong mga teknolohiya ay mapupunta pa rin sa mga mamamayan,” paliwanag ni Salceda.
Ayon sa mambabatas, masinsinan nilang pinag-usapan ito ni Sen. Imee sa simula ng kampanya nang magkita sila sa Francisco’s Café sa Daraga, Albay kung saan ipinaliwanag niya anf mga implikasyon ng panukalang batas at paano pupunduhan ito, at “siya nama’y lubhang natuwa.”
“Dalawang linggong huling sesyon na lang kami. Kung ito ay gagawin, ngayon na dapat. Ito ay isang pamanang maiiwanan naming sa ating mga kababayan,” giit ni Salceda na siyang bumalangkas ng panukalang batas sa Kamara. Respetado at kilala siyang mahusay na ekonomista. Bababa na siya sa Kongreso sa Hunyo 13.
Tiniyak ni Salceda na ang panukalang batas ay hindi lamang sadyang kailangan at siguradong mapupunduhan ang kailangan nitong paunang P88.2 bilyong badyet para sa 10.1 milyong ‘seniors’ sa buong bansa. Magmumula ang paunang pundo nito ngayong 2025 sa mga sumusunod:
— P41 bilyong isasaayos na “ayuda” kasama ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), at iba pang kahawig at kadubling mga programa ng pamahalaan;
— P47 bilyon mula sa ‘fiscal management mechanisms,’ kasama ang mga ‘government-owned or controlled corporation (GOCC) dividend enforcement, national government savings, and a Q2 (second quarter) implementation start.’
Ipinaliwanag ni Salceda na “isina-ayos at pinagsama-sama nila ang nakakalat at ‘politicized cash doles’ sa isang mlinaw na ‘rights-based entitlement.’ Magiging higit na mabisa, makatao, at patas na balangkas ito. Itinuturing na unang hakbang ang panukala tungo sa isang ‘universal basic income, na lubhang kailangan bilang tugon sa mga trabahong nilulusaw ng mga bagong teknolohiya,” dagdag niya.
“Ito ang katwiran kung bakit pinagbubuwis natin ang mga dayuhang ‘digital giants.’ Habang nilulusaw ng mga teknolohiya ang mga karaniwang trabaho, kailangang mahawakan natin ang mga kapakinabangang dulot nito upang ibalik sa mga mamamayan bilang ‘social dividends.’ Pasisimulan ito sa ‘universal pension’ para sa mga ‘seniors’ paliwanag ni Salceda sa kanyang liham.
Pinapugayan at pinuri ni Salceda si Sen. Imee Marcos sa kanyang liderato at pangakong suporta sa panukalang batas.
“Gagawin ko naman ang dapat na suporta gaya ng sa radio at TV, pananaliksik at suporta ng ating mga kaibigan. Ito’y isang usapin at isyung dapat pagkaisahan natin. Matibay, malalim at hindi maitatanggi ang moralidad nito. Matatapos at maipapasa natin ito sa kasalukuyang 19th Congress,” patapos niyang pahayag.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com