HINDI bababa sa 14,830 pamilya o 74,209 indibiduwal mula sa anim na mga munisipalidad sa lalawigan ng Sorsogon ang apektado sa pagputok ng bulkang Bulusan, nitong Lunes, 28 Abril.
Ayon kay Gremil Naz, tagapagsalita ng Office of the Civil Defense (OCD) – Bicol, 51 barangay sa Sorsogon ang apektado ng ash fall mula sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) – Bicol.
Dalawa dito ay mula sa Barcelona, anim mula sa Bulusan, 10 mula sa Casiguran, isa mula sa Gubat, 22 mula sa Irosin, at 10 mula sa Juban.
Samantala, inilikas ang may 19 pamilya o 61 indibiduwal mula sa dalawang barangay mula sa Irosin at Juban.
Dagdag ni Naz, nakataas sa blue alert status ang OCD – Bicol dahil sa pagputok ng bulkan.
Ani Hamor, ang bayan ng Juban ang pinakaapektado ng ash fall.
Samantala, ipinahayag ng DSWD – Bicol na higit sa P220-milyong halaga ang nakalaan sa pagtulong sa mga pamilyang apektado ng pagputok ng bulkang Bulusan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com