SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
PUNOMPUNO at dinaluhan ng mga kaibigan, fans, kapwa national artists, at pamilya ang State Funeralhonors ng Superstar at National Artist na si Nora Aunor kahapon, Abril 22, 2025 na ginawa sa Metropolitan Theater sa Maynila.
Sinimulan ang programa dakong 8:30 a.m. sa pamamagitan ng Arrival Honors na sinundan ng pagkanta ng National Anthem at Invocation, at ang speech ni CCP Vice Chair Carissa Coscolluella.
Pagkaraan nito ay isa-isang nag-alay ng bulaklak ang kapwa National Artists ni Ate Guy. Nagbigay ng tribute ang National Artist for Film and Broadcast Arts ding si Ricky Lee.
Umawit si Aicelle Santos ng Walang Himala mula sa pelikulang Isang Himala kasama ang Philippine Madrigal Singers bukod pa ang pagkanta nila ng isa sa mga signature songs ni Nora na Handog.
Kumanta rin sina Jed Madela at Angeline Quinto ng Superstar Ng Buhay Ko na theme song ng mga Noranian.
Nagbigay-tribute ang award-winning filmmaker na si Joel Lamangan kay Nora at ibinahagi nito ang karanasan ng pakikipagtrabaho rito.
Binigyang halaga ng premyadong direktor ang napakagandang ugali ng Superstr. Anito napaka-generous ni Nora pero may mga pagkakataong nagkakamali rin ito dahil tao rin lang ito na hindi perpekto.
Sumunod na nagbigay ng mensahe ang dating Presidente ng ABS-CBN, aktres na si Charo Santos Concio. Anito, hindi lang basta star ang namayapang aktres, kundi ito ang ating Superstar.
Naging madamdamin ang naging mensahe ng anak ni Ate guy na si Ian de Leon na kasamang umakyat sa entablado ang mga kapatid na sina Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth.
Ibinahagi ni Ian ang mga katangian ng kanilang ina na tiyak na mami-miss nilang magkakapatid. At pagkaraan ay isinigaw nito ang, “Mabuhay si Nora Aunor!”
Sinundan ito ng “Transfer of National Artists Medallion” ceremony na inihandog at inihabilin sa pamilya ng yumaong National Artist.
Pagkatapos ng necrological services sa MET, Inihatid ang labi ni Ate Guy sa kanyang huling hantungan sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.
Sa Libingan ng mga Bayani, nagkaroon ng departure honor kasunod ang pagmamartsa mula gate patungo sa kung saan ang paglalagakan ni Nora.
Nang nasa mismong paghihimlayan na ng labi ni Nora , isang final benediction ng assigned priest at final viewing ng pamilya, mga kaibigan, at tagasuporta ang sumunod na ginawa.
Sinasabing binuksan ang Libingan ng mga Bayani para makapasok ang napakaraming fans ni Nora na nagmula pa sa iba’t ibang parte ng bansa na gustong makipaglibing.
Sa huling sandali ni Nora, roon na mas naging emosyonal ang magkakapatid hanggang sa pagsasara ng kabaong na isinagawa ni Ian.
Pagkaraan ay isinagawa ang military honor at umalingawngaw ang 21 gun salute habang ibinababa ang kabagong ng yumaong national artist.
Si Ian din ang tumanggap ng watawat ng Pilipinas mula sa mga sunalo matapos ang isinagawang state funeral ng ina.
Ilang personalidad ang nakipaglibing kay Nora tulad nina Bong Go, Robin Padilla, Nadia Montenegro, Phillio Salvado, Ricky Lee, Imelda Papin, Joel Saracho, at iba pa.
Si Nora ang ika-55 na inihimlay sa natuang hanay katabi ang puntod ni direk Ishmael Bernal na direktor ng superstar sa Himala.