NAREKOBER ng mga awtoridad ang dalawang karagdagang mga katawan nitong Linggo ng Pagkabuhay, 20 Abril, mula sa tumaob na sand carrier na MV Hong Hai 16, na ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) Southern Tagalog District ay nananatiling nakalubog ang kalahtng bahagi sa dagat sa bayan ng Rizal, lalawigan ng Occidental Mindoro.
Dahil dito, umabot sa siyam ang bilang ng mga namatay sa insidente, habang nananatiling nawawala ang dalawang miyembro ng crew.
Nabatid na 25 Filipino at Chinese na miyembro ng crew ang lulan ng barko nang tumaob ito sa dagat na nasasapukan ng Brgy. Malawaan noong Martes ng hapon, 15 Abril.
Naganap ang unang pagsisid dakong 9:17 ng umaga kahapon, kung saan nakita ang isang katawan sa cargo hold number 1, habang isinagawa ang ikalawang pagsisid dakong 3:10 ng hapon, kung saan narekober ang isa pang katawan sa cargo hold monitoring control room.
Patuloy ang pagsasagawa ng PCG ng search, recovery, at environmental monitoring operations sa pakikipagtulungan sa iba pang mga ahensiya.
Dagdag ng PCG, nakipagtulungan ang mga tauhan ng Marine Environmental Protection Enforcement Response Group Southern Tagalog sa Provincial Environmental Management Unit (PEMU) ng San Jose sa pagsasagawa ng water sampling sa tatlong strategic points sa shoreline ng Brgy. Malawaan upang matukoy ang posibleng epekto sa kapaligiran ng insidente.
Sa inisyal na surface monitoring operations na isinagawa ng PCG, naiulat na walang reported oil spill sa paligid ng tumaob na barko.