HINDI bababa sa P1.3-milyong halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nakompiska mula sa isang 15-anyos binatilyo at dalawang iba pa sa ikinasang buybust operation ng mga awtoridad sa bayan ng San Mateo, lalawigan ng Rizal, nitong Sabado de Gloria, 19 Abril.
Kinilala ng Rizal PPO ang mga suspek na sina alyas John John, 15 anyos; alyas Paula, 24 anyos, at alyas Mani, 55 anyos, na pawang nadakip ng mga operatiba ng San Mateo MPS sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Brgy. Malanday, sa nabanggit na bayan.
Nakuha mula sa tatlong suspek ang anim na sachet at isang nakabuhol na plastic sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 193.47 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P1,315,596.
Inilipat ng mga awtoridad ang menor de edad na suspek sa kustodiya ng Municipal Social Welfare and Development Office, habang nasa kustodiya ng San Mateo MPS ang dalawang suspek na nasa hustong edad at nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.