IPINAGLULUKSA ng Diyosesis ng Bacolod ang pagpanaw ng isang lider ng mga layko at dalawang indibiduwal sa prusisyon noong Biyernes Santos ng gabi, 18 Abril, sa Brgy. Alangilan, sa lungsod ng Bacolod.
Kinilala ang mga biktimang sina Dionelo Solano, lider ng mga layko; Gilven Tanique, isang barangay tanod; at Daynah Plohinog, miyembro ng grupo ng kabataan, pawang mga parishioner ng Our Lady of the Most Holy Rosary Parish.
Naitala ang 17 sugatan – 14 ang dinala sa tatlong pribadong pagamutan, at tatlong bahagyang nasugatan, kabilang ang dalawang pulis.
Sa kaniyang pahayag noong Sabado de Gloria, sinabi ni Bacolod Bishop Patricio Buzon, kaisa ng kanilang Diyosesis ang lahat ng apektadong pamilya, lalo ang mga namatayan.
“We are deeply grieved by the tragic incident. We are offering our prayers, support, and compassion in this time of mourning. We continue to pray for those who were injured, that they may find healing and quick recovery,” pahayag ng obispo.
Naganap ang insidente dakong 7:20 ng gabi, nang mabangga ng isang pulang Toyota Innova ang tricycle na may lulan sa tatlong nmatay na biktima.
Kinilala ang driver ng Toyota Innova na si Jagpret Singh, 37 anyos, isang Indian national na naninirahan sa Brgy. Villamonte, sa naturang lungsod.
Sa tindi ng pagbangga, humiwalay ang motorsiklo sa side car, at tumama sa isang police patrol vehicle, isang multicab, at sa ilang mga pedestrian.
Inihahanda na ang mga kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injury, at damage to property, na nakatakdang isampa laban kay Singh na kasalukuyang nasa kustodiya ng Bacolod City Police Office (BCPO) Station 5.
Samantala, ipinahayag ni Bacolod City Mayor Alfredo Abelardo Benitez na magpapaabot ng tulong pinansiyal sa mga nananatiling nasa ospital at sa mga kaanak ng mga namatay na biktima para sa pagpapalibing sa kanila.
Hindi bababa sa 300 indibiduwal ang sumama sa prusisyon at pabalik na sila sa Our Lady of the Most Holy Rosary Shrine nang maganap ang aksidente dakong 7:20 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon, nag-overtake ang tricycle sa prusisyon sakay ang hinimatay na si Plohinog.
Boluntaryong minaneho ni Solano ang tricycle na pag-aari ni Tanique upang ihatid sa simbahan si Plohinog upang malapatan ng paunang lunas.
Habang patungo sa simbahan, nabangga sila ng MPV, dahilan upang mahati ang tricycle.
Ani Coronica, bumangga ang isang bahagi ng tricycle sa sasakyan ng pulisya na ikanasugat ng dalawang pulis na umaalalay sa prusisyon.
Napinsala sa insidente ang isang multi-cab at imahen ni San Pedro.
Agad namatay si Solano, habang dead on arrival si Tanique sa pagamutan, at binawian ng buhay si Plohinog noong Sabado de Gloria.
Nadakip si Singh, residente ng Brgy. Coronica, ilang metro mula sa pinangyarihan ng insidente, nang tangkain niyang tumakas kasama ng sakay niyang apat na pasahero.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bacolod Police Station 5.
Napag-alamang nakainom si Singh at galing sa isang resort.
Samantala, humingi ng tawad si Singh dahil sa nangyari at sinabing hindi niya intensiyon na makasakit ng kahit sino.
Aniya, haharapin niya ang mga kasong isasampa laban sa kaniya at magpapaabot ng tulong sa mga pamilya ng mga biktima.
Kinompirma ng pulisya na 10 taon nang naninirahan sa lungsod si Singh, mayroong driver’s license, at negosyong pautang.
Nabatid na hindi nakapangalan ang sasakyan sa suspek kung hindi sa isang babae, na kasalukuyan nang tinutukoy ng pulisya.