ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
SI ENGR. BENJIE AUSTRIA ang producer na nasa likod ng ilan sa magagandang pelikulang napanood ng madla. Una rito ang “Broken Blooms” na pinagbidahan ni Jeric Gonzales, na nanalo pa ng mga awards pati sa international filmfest.
Kabilang din dito ang “Huwag Mo ‘Kong Iwan” ni Direk Joel Lamangan na tinampukan nina Rhian Ramos, JC de Vera, at Tom Rodriguez.
This time, ang bagong obra ni Direk Joel na pinamagatang “Fatherland” ang aabangan sa movie company ni Engr. Benjie. Pinagbibidahan ito nina Allen Dizon at Iñigo Pascual.
Third movie na niya ito at may kasunod na agad, ang “Graduation Day” nina Jeric at Elizabeth Oropesa.
Sinabi ni Engr. Benjie ang gusto niyang klase ng pelikula.
Aniya, “Gusto ko ang mga klase ng movies na inspirational siya, iyong talagang may mapupulot na aral ang viewers. Like itong Fatherland na mayroong aral with regards to the family, broken family. At the same time, iyong bata na hinahanap niya ang kanyang tatay. Talagang makare-relate ang masa sa movie namin.”
Aminado rin ang mabait na movie produ na challenging ang paggawa ng pelikula ngayon.
“To be honest, actually alam naman natin ang showbiz ngayon, iilan lang ang papanoorin na pelikula, alam natin iyan.
“What I mean is, kaya nandito tayo ngayon ay para makatulong sa showbiz industry, lalo na iyong mga pelikulang Filipino ngayon. Na dapat invite natin ang mga kababayan natin para matulungan natin ang ating film industry.”
Ayon pa sa kanya, advocacy niya ang makatulong sa mga nasa showbiz industry.
“Actually, lahat naman siguro ng mga negosyante ay hangad ang magka-ROI ka, at the same ay kikita ka rin para mapa-roll ‘yung pera mo. Pero sa ngayon, sabi nga nila, isipin mo muna ‘yung quality films na may magandang istorya at the same time ay makatulong ka… iyong advocacy ko kasi, sabi ko, help as best as you can. So iyong mga taong nangangailngan ay matulungan mo. At iyong nga actors na may mga talents ay natutulungan ko. Iyon muna ang priority ko kaysa iyong ROI.
“Kasi sabi nga nila one day magkakataon din na magkakaroon ka ng movie na blockbuster at sana ay ibigay din iyon ni Lord. Kasi, maganda naman talaga ang hangarin natin,” sabi pa ni Engr. Benjie.
Tampok din sa pelikulang isinulat ni Roy Iglesias ang mga de-kalibreng artistang gaya nina Cherry Pie Picache, Angel Aquino, Richard Yap, Mercedes Cabral, Jim Pebanco, at Max Eigenmann.
Nandito rin sina Rico Barrera, Abed Green, Kazel Kinouchi, at showbiz royalty na sina Ara Davao at Bo Bautista.
Ang Fatherland ay prodyus ng Bentria Productions ni Engr. Benjie Austria at ng Heavens Best Entertainment ni Harlene Bautista.
Mapapanood ang pelikula simula April 19, in cinemas nationwide. Magkakaroon din ito ng celebrity premiere sa April 22, sa Gateway Cinema 11.