
HATAW News Team
ISANG kaso lang ng pagpatay ay sapat na para lumarga ang Crime Against Humanity o krimen laban sa sangkatauhan, ayon sa International Criminal Court (ICC).
Paglilinaw ito ng ICC kaugnay ng reaksiyon ni Vice President Sara Duterte para sa ebidensiya ng sinasabing 30,000 pinaslang sa gera laban sa droga ng nagdaang administrasyon.
“The legal framework is that a crime against humanity is, can be a murder, can be any other number of criminal conducts… If there is a plan that involves a widespread or systematic recurrent attack against a civilian population, even one murder may be considered a crime against humanity,” ani ICC spokesperson Fadi El Abdallah.
Matatandaan na nais makita ni VP Sara ang ebidensiya sa sinasabing 30,000 namatay sa gera laban sa droga na basehan sa pagsasampa ng crime against humanity sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pag-iimbestiga ng mga human rights group, nasa 30,000 ang napatay sa madugong gera kontra droga pero sa rekord ng pulisya, ang dokumentadong bilang ay nasa 6,000 biktima.
“So, kung mayroon ka lang 181 pieces of evidence, does that show a crime against humanity? Parang hindi (siya) makatarungan sa 80 years old na tao,” pahayag ng nakababatang Duterte.
Kinontra ng mga legal expert ang sinabi ni VP Sara at sinabing hindi batayan ang edad sa ICC trial.
“Inaanyayahan ko si VP Sara na dumulog at humarap sa ICC mismo at sabihin niya ang kanyang argumento,” tugon ni Kristina Conti, abogado na kumakatawan sa mga biktima ng extrajudicial killings.
“Ang krimen na ito ay hindi kahalintulad o hindi maikokompara sa simpleng kaso ng murder… in crimes against humanity, you do not need to name all the victims,” dagdag niya.
Sa kabila nito, iginiit pa rin ng lead defense counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman ang kanilang posisyon na ang ICC ay walang hurisdiksiyon kay Duterte, dahil ang Filipinas ay umatras sa Rome Statute bago nagsimula ang imbestigasyon.