
HATAW News Team
MATAPOS ang mga pangalan at apelyidong kahawig ng coffee shop, sitserya, at iba pang pagkain, tila mga grocery items naman ang ‘napaglaruan’ sa mga acknowledgement receipts na isinumite ni Vice President Sara Duterte sa Commission on Audit (COA).
Ibinuking ito ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union kaugnay ng masusing pagsusuri sa mga nasabing acknowledgement receipts.
Lumutang ang tinaguriang ‘team grocery’ na kinabibilangan ng pampano, harina, kasim, at bacon sa listahan ng mga pinekeng pangalan na iniuugnay sa iregular na paggamit ng P500 milyong confidential fund ni VP Sara sa Office of the Vice President (OVP).
Magugunitang unang nakalkal ng House prosecution team ang mga pangalang sitserya, cellphone, at prutas sa Dodong Gang; at Team Amoy Asim sa confidential funds ng OVP.
Ani Ortega, nagpatibay ito sa hinala na malaking halaga ng public funds ang inilista sa mga gawa-gawang pangalan na nabahaginan ng confidential funds ni VP Sara.
Aniya, ang mga lumutang na mga bagong pangalan ay mga food items naman sa pangunguna ni “Beverly Claire Pampano,” o ang popular na isda na mabibili sa mga palengke sa buong kapuluan.
Nasa listahan din ang Mico Harina na ang apelyido ay pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay at mga native pastries.
Nasipat din ni Ortega ang mga pangalang Patty Ting, Ralph Josh Bacon na mga sangkap naman sa burger staples habang ang Sala Casim ay kasim ng baboy na ginagamit sa paggawa ng adobo at menudo.
“Mukhang listahan po ng mga bibilhin sa palengke o grocery ang mga bagong pangalang nakita natin,” ayon kay Ortega.
Wala aniyang official birth, marriage, o death records ang mga nasabing pangalan sa Philippine Statistics Authority (PSA).
“Kung hindi sila totoong tao, nasaan napunta ang pondo?” tanong ni Ortega.
Inaasahang bubusisiin ang bawat kusing ng confidential funds ng OVP at Department of Education sa pagsalang sa impeachment trial ni VP Sara.