SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
MATAGUMPAYna aktor at prodyuser si Alfred Vargas. Kung ilan ulit na niya itong napatunayan dahil ilang pagkilala na ang natanggap niya sa husay niyang umarte.
Sa pagiging prodyuser hindi naman matatawaran ang mga ipinrodyus niyang pelikula na tampok ang naglalakihang artista. Ang pinakahuli ay ang Pieta tampok ang National Artist na si Nora Aunor kasama sina Jaclyn Jose at Gina Alajar.
At sa pagiging konsehal ng 5th District ng Quezon City matagumpay din si Alfred. Laking ngiti niya nang ibinahagi ang tagumpay ng makabagong programang pangkabuhayan ng kanyang tanggapan na nakatulong sa mahigit 4,500 residente mula sa kanyang distrito.
Nakatutok ang programa sa: 1) pagdaraos ng mga regular na job fair na maaaring makahanap ng trabaho ang residente; 2) Pagbibigay ng puhunan sa mga nag-uumpisang mga negosyante; 3) at pagsasanay pang-bokasyonal gayundin ang paglilinang sa kanilang mga kasanayan.
Aniya, sa pamamagitan ng job fair, mahigit 1,000 residente ang nabigyan ng trabaho. Nasa higit 2,500 naman ang nabigyan ng puhunan para makapagsimula ng maliit na negosyo.
Sa tulong ng TESDA, ipinakilala sa mga residente ang Asenso Vocational module na tinuruan ang mga ito ng kaalaman sa meat processing, paggawa ng sabon, perfume production, at dishwashing liquid production.
Sa nasabing pagsasanay, nabigyan ng pagkakataon ang mga residente na magkaroon ng sariling online business at naturuan din ang mga ito na gamitin ang mga social media platforms tulad ng Facebook para maibenta ang kanilang produkto.
“This all started by talking to the people, listening to their needs, especially the livelihood sector. Now, it’s come full circle. The positive change it brings to people’s lives is beautiful and truly inspiring. Nakatutulong sa kanya-kanyang pamilya ang mga mismong natulungan nating magkaroon ng kabuhayan,” kuwento ni Alfred.
Marami rin aniya sa mga natulungan ng programa ang nagtagumpay. Isa na rito ang isang scrap collector o basurero na dati ay nagtutulak lamang ng kariton subalit ngayon ay may-ari na ng isang junkshop.
Mayroon din aniyang nagtitinda ng chicharon na ngayon ay nakakapag-paaral na ng mga anak at isang mananahi na nabigyan ng isang makina at ngayon ay nagsu-supply na ng uniforms at towels sa mga kompanya.
Isa pang benipisyaryo ang ngayon ay nagtitinda na ng pabango online at kumikita ng extrang P500 hanggang 700 kada buwan.
Maliit man aniya kung iisipin ang kitang ito subalit malaki ang naitutulong nito sa isang indibidwal.
“That extra income helps pay electricity, water bills,or buy diapers and milk. It may not be too much for some, but for families it has a big positive impact,” ani Alfred.
Malaki rin aniya ang tulong ng programa sa mga ina ng tahanan na nananatili sa bahay at ngayo’y abala na rin sa kani-kanilang negosyo.
“They’re proud to create something of their own, like perfumes, and sell it. It’s not just income; they are able to follow their passion and provide comfort for their households at the same time,” paliwanag pa ng konsehal.
Katuwang ang TESDA at DOLE, nabigyan ng kakayahan ang mga indibidwal partikular na sa mga urban poor at persons with disabilities na magkaroon ng maliit na negosyo o trabaho na sustainable.
Nilinaw din ni konsi Alfred na pangmatagalan ang suportang ibinibigay ng kanyang tanggapan sa mga benepisyaryo ng programa sa tulong ng kanyang kapatid na si Congressman PM Vargas.
“Hindi lang kami nagbibigay ng startup capital at pagkatapos ay pababayaan na. Nagbuo tayo ng mentor-student system na sinusubaybayan ang kanilang progreso, at tinutulungan silang malampasan ang mga hamon. Dahil sa ganitong approach, ang mga simpleng simula ay naging matatag na kabuhayan,” paliwanag ng konsehal.
Ang patuloy na pagdami ng mga natutulungan ng programa ay nagpapakita ng dedikasyon ni Alfred sa pagpapaunlad sa mga residente ng lungsod.
“Kahit maliit na dagdag kita, malaki ang epekto sa mga pamilya. Makikita mo sa kanilang mata ang kaluwagan na kanilang natatamasa, ang pag-asa na kanilang nakikita. Iyon ang dahilan kung bakit ito ay isa sa mga programang tunay naming ipinagmamalaki,” sabi ni Alfred.
Bilang kongresista (2013–2022), isinulong ni Vargas ang Tulong Trabaho Act (Republic Act No. 11230), na naging batas noong 2019. Itinatadhana ng batas na ito ang libreng teknikal-pangbokasyonal na pagsasanay para sa mga hindi nagtatrabaho at kulang sa trabaho sa pamamagitan ng TESDA.
Bilang konsehal mula 2022, patuloy na pinahahalagahan ng aktor ang mga serbisyo panlipunan at pag-unlad ng kabuhayan. Sa kasalukuyan, nakatulong na siya sa mahigit na 4,500 na mamamayan na mabigyan ng trabaho, puhunan, negosyo, at opsiyal na course certificates.