IPINATITIGIL sa Korte Suprema nina social media broadcaster at anti-fake news advocates
Atty. Mark Kristopher Tolentino at Dr. Michael Raymond Aragon ng Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI) ang ilang probisyon sa Automated Election Law bunsod ng sinabing hindi patas na trato sa ilang kandidato.
Nabatid na naghain ng petition nitong Miyerkoles sa SC sina Tolentino at Aragon na kumukuwesiyon sa constitutionality ng Section 11 ng Republic Act 8346 na inamyendahan ng Section 13 ng Republic Act 9369.
Ang kaso ay isinampa laban sa Commission on Elections, Executive Secretary Lucas Bersamin, Senate President Francis Escudero, at Speaker Martin Romualdez.
Hinihiling sa SC ng mga petitioner na mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) at writ of prohibition upang ipatigil ang mga probisyon na labag sa Kontitusiyon at hindi patas sa mga ilang mga kandidato.
Isa sa mga tinukoy ng petitioner ay ang pre-mature campaign ng mayayamang politiko laban sa maliliit na kung tutuusin ay maikokonsidera lamang na kandidato kapag nagsimula na ang kampanya.
Tinawag na ‘unfair’ ng mga petitioner ang probisyon dahil mas nakapagpapakilala nang mas maaga ang mayayamang politiko kompara sa mga maliliit na kandidato.
Anila, “Hindi naman mapaparusahan ang mga nagsasagawa ng pre-mature campaign. Wala rin aksiyon ang Comelec sa maling paggamit ng public funds sa election preparations na walang transparency and fairness.”