BINAWIAN ng buhay ang isang pasahero habang lima ang sugatan nang ararohin ng isang truck ang walong sasakyan sa bayan ng Tuba, lalawigan ng Benguet nitong Sabado ng hapon, 22 Marso.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na pababa ng La Union sa Marcos Highway ang forward truck dakong 3:00 ng hapon kamakalawa, nang mawalan ito ng preno.
Unang nabangga ng truck ang sinusundang mini SUV at isang nakaparadang kotse.
Nagtuloy-tuloy pang tumakbo ang truck at nabangga ang isang pick-up truck, isang SUV, isang kotse, isang van, at dalawang motorsiklo, hanggang tuluyan nitong salpukin sa isa pang van na papunta rin sa La Union.
Isinugod sa pagamutan ang mga driver at mga pasahero ng mga nadamay na sasakyan.
Samantala, dead-on-arrival ang rider ng isang motorsiklong inararo dahil sa tindi ng tamang inabot sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.
Kasalukuyan nang kustodiya ng pulisya ang driver ng truck na nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple injuries, at damage to properties.