NAGPAKITA ng husay at determinasyon si Joshua Alexander Ramos para makamit ang minimithing panalo sa Standard Men Elite ng National Age Group Aquathlon 2025 sa Ayala-Vermosa Sports Hub sa Imus, Cavite noong Sabado.
Ang 23-taong-gulang na miyembro ng Baguio Benguet Triathlon Club ay nakapagtala ng 31 minuto at 19 segundo sa 1km-swim at 5km-run na kompetisyon.
Noong nakaraang taon, siya ay naging runner-up kay Cebuano Kim Andrew Remolino sa karera na sumaklaw lamang ng 500 metro (swim) at 2.5 km (run).
Hindi sumali sina Remolino at Matthew Hermosa dahil sa PRISAA regional qualifying.
Nagtala si Iñaki Emil Lorbes ng 31:28 at nagtapos ng pangalawa kahit na may iniindang injury sa kanang bukung-bukong na nakuha niya dalawang linggo na ang nakakaraan sa training. Si Irienold Reig Jr. (32:12) ay nagtapos ng pangatlo.
Samantala, ipinagtanggol ni Erika Nicole Burgos ang titulong pambabae, na nag-clock ng 34 minuto at 17 segundo upang talunin si Wan Ting ng Singapore (35:01) at si Lady Samantha Jhunace Corpuz (35:50).
Sa Junior Elite na kategorya, ang nakababatang kapatid ni Joshua, si Dayshaun Karl, ay nanguna sa men’s division sa 16:37.
Si Darell Johnson Bada (16:40) ay pumangalawa at si Peter Sancho Del Rosario (16:44) ang pangatlo.
Si Dhana Victoria Seda-Lomboy ay nag-clock ng 18:45 upang manalo ng women’s title laban kay Maria Celinda Raagas (21:42).
Nanalo sina Edison Badillo (PTS2), Raul Angoluan (PTS3), Alex Silverio (PTS4), at Joshua Nelmida kasama si guide Bernard Matthew Cruz (PTVI) sa kani-kanilang mga division sa para category ng event na inorganisa ng Triathlon Philippines (TriPhil) na pinamumunuan ni Tom Carrasco.
Samantala, ang mga distansya ng karera sa National Age Group Duathlon ay Elite, Junior Elite, at Para (5km-run, 20km-bike, 2.5km-run); U15 (3km-10km-1.5km); 11-12 taong gulang (2km-8km-1km); 9-10 taong gulang (1km-6km-500m); 7-8 taong gulang (800m-2km-400m); at 6 taong gulang pababa (400m-1km-200m).
Ang mga torneyong aquathlon at duathlon, ay sa taguyod ng Philippine Sports Commission, Milo, Asian Center for Insulation, Gatorade, Fitbar, at RaceYa, ay bahagi ng grassroots at talent identification program ng TriPhil.