
Hataw News Team
NANINIWALA si Atty. Howard Calleja, professor ng batas sa Ateneo at La Salle na mistulang ‘nakikinabang’ ang China sa pahayag at pamamaraan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa paghawak sa impeachment complaint na isinumite sa senado laban kay Vice President Sara Duterte.
“Any delay in the impeachment protects VP Sara and weakens the administration’s political position against the Dutertes. For as long as the Dutertes remain politically strong, China will have a foot in our political door,” ani Calleja.
Aniya, maaaring mayroong dahilan si Escudero upang manimbang kabilang ang kanyang magiging relasyon sa kasalukuyang administrasyon, upang mapanatili ang kanyang puwesto, ngunit ang pagkaantala ay hindi nagpapakita ng pagsisilbi sa bayan kundi sa ikalawang pangulo, sa mga Duterte at sa kanyang sarili.
Magugunitang ilang mga grupo at personalidad na ang nanawagan at humimok kay Escudero na sundin ang isinasaad ng Konstitusyon base sa salitang “forthwith” o agarang mag-convene ang mga senador bilang impeachment court sa sandaling natanggap nila ang reklamo mula sa mababang kapulungan ng kongreso noong 5 Pebrero ng taong kasalukuyan.
Ngunit, mas agarang nag-adjourn ang sesyon ng senado, isang oras matapos nilang matanggap ang reklamo gayong mayroon pang hanggang 7 Pebrero ang kalendaryo ng lehislatura.
“It is unfortunate that one man has shifted the discussion to legal procedures instead of the issues of corruption and other high crimes,” dagdag ni Calleja.
Iginiit ni Calleja, ang masamang politika ay muling nakaaapekto sa batas kasunod ng pagsasabing: “nararapat ang mas mabuti para sa mga tao.”