SUGATAN ang bise alkalde ng bayan ng Datu Piang, sa lalawigan ng Maguindanao del Sur, matapos barilin nitong Lunes ng umaga, 24 Pebrero.
Ayon sa pulisya, binaril si Vice Mayor Atty. Datu Omar Samama habang nagtatalumpati sa harap ng mga residente sa Brgy. Magaslong, sa bayan ng Datu Piang.
Nakunan ng video ang insidente ng isa sa mga residente na ngayon ay kumakalat sa Facebook ang bahagi nito.
Sa isang pahayag mula sa LGU ng Datu Piang, nagpapagaling na si Samama sa isang hindi tinukoy na pagamutan.
Nabatid na dumalo ang bise alkalde sa 4th Serbisyong Handog ng Inyong Nagmamalasakit at Epektibong (SHINE) medical outreach at relief distribution nang maganap ang insidente ng pamamaril.
Muling tumatakbo si Samama para sa posisyon ng bise alkalde sa Mayo sa ilalim ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP).
Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.
Samantala, mariing kinondena ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao-Ministry of the Interior and Local Government ang insidente at tinawag itong walang kabuluhan at duwag na pag-atake kay Samama.
“This brazen act of violence has no place in a peaceful and just Bangsamoro. The MILG stands firm in demanding swift action to ensure that the perpetrators face the full force of the law,” pahayag ng BARMM.