SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
LABINDALAWANG personalidad ang tumatakbong senador na nasa ilalim ng Alyansa ng Bagong Pilipinas at aminado ang campaign manager nitong si Congressman Toby Tiangco, na may advantage ang mga kandidatong konektado sa showbiz.
“Kilala kasi sila ng mga tao. Kaya may name recall. Siyempre kapag ikaw ay personality, madaling makilala ng mga tao,” ani Cong Toby nang makausap namin ito kamakailan.
“Pero in fairness, sa lahat naman ng mga kandidato namin, masisipag talaga lahat,” sabi ni Cong Toby.
Tama ang tinutan ni Cong Toby dahil advantage talaga kina Tito Sotto, Lito Lapid, Manny Pacquiao, Bong Revilla, Erwin Tulfo ang pagiging artista at media man dahil kilalang-kilala na sila ng publiko.
Pero hindi rin dapat maliitin ang iba pang kaanib ng Alyansa tulad nina Pia Cayetano, Imee Marcos,Francis Tolentino, Ping Lacson, Camille Villar Benhur Abalos, at Abby Binay dahil kilala na rin ang kanilang mga pangalan at hindi naman mga first timer sa politika.
Samantala, sinabi pa ni Cong Toby na si Andrew E lang ang kinausap niya makasama sa kanilang mga sortie.
Aniya, “Kinuha namin siya for all sorties. Kaya ako ‘yung nakipag-usap because the package was to get him for all sorties.
“Since medyo buong kampanya ‘yung pinag-usapan, ako ‘yung nakipag-usap sa kanya.
Hindi naman ibinuking ni Cong Toby ang TF ng magaling na rapper nang kulitin namin ukol dito.
Basta aniya, naroon si Andrew o iba pang kinuhang artists para mag-entertain at hindi kailangang iendoso ang mga kandidato.
“Kasi siyempre habang naghihintay naman sa mga kandidato, mahirap naman na walang nag-e-entertain sa kanila.
“For example, magsisimula ngayon ‘yung first speaker ng 4:00 p.m. So, habang naghihintay ang mga tao, dapat may nag-e-entertain naman sa kanila.
“Not as endorsers. ‘Yung mga kinukuha naman naming celebrities sa stage, they don’t really endorse, eh. They just perform, para lang masaya ‘yung tao,” giit pa ng kongresista.
Idinagdag pa ni Cong Toby na magagaling ang mga entertainer sa live performance, “kaya malaking bagay ‘yung nandiyan sila para maaliw ang mga taong nanonood sa mga ginagawa nilang rally.”