
INIHAYAG ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kahapon, Huwebes, 20 Pebrero 2025, sakop na ang lahat ng outpatient emergency cases sa mga ospital na accredited mula level 1 hanggang level 3 sa buong bansa.
Inianunsiyo ito ng state health insurer sa kanilang pahayag nitong Huwebes, bilang benepisyong Facility-Based Emergency (FBE) alinsunod sa outpatient emergency care benefit package.
Ayon sa PhilHealth, ipinakilala na ang package na ito noong nakaraang taon sa pamamagitan ng circular.
Pinaalalahanan nito ang mga ospital na ang akreditasyon para sa FBE benefits ay hindi na kailangan
dahil kasama na ito sa akreditasyon bilang ospital.
Inilinaw ng PhilHealth, na ang mga ospital na may extension facilities ay kinakailangang magsumite sa kanilang PhilHealth Regional Offices ng sertipikasyon
na nagsasaad ng pangalan ng affiliated extension facility at kompletong address.
Sa kabilang banda, ang coverage ng ambulance services sa ilalim ng Prehospital Emergency (PHE) benefit, ay ihahayag sa mga susunod na araw.