MATAGUMPAY na nailigtas ng mga awtoridad ang isang Korean national sa Brgy. Mayasang, bayan ng Lemery, lalawigan ng Batangas, nitong Sabado, 18 Enero, matapos dukutin ng buyer ng kaniyang sports car sa lungsod ng Makati.
Kinilala ng pulisya ang biktimang si Taehwa Kim, 40 anyos.
Sa imbestigasyon, nakipagkita ang biktima sa isang nagpakilalang JC, na interesado umanong bilhin ang kaniyang sports car, noong Miyerkoles, 15 Enero, sa kaniyang condominium sa Makati.
Nagsagawa pa sila ng test drive saka pumarada sa isang spa sa nabanggit na lungsod upang makipagkita sa abogado ng nagpakilalang buyer.
Ngunit imbes abogado, tatlong indibiduwal ang dumating na sapilitang pinasakay ang biktima sa isa pang sasakyan, saka itinali ang mga kamay, piniringan ang mga mata, at kinuha ang kaniyang mga personal na gamit.
Narinig ng biktima na dadalhin siya sa Antipolo at makalipas ang tatlong araw, ibinaba siya sa Diokno Highway, sa bayan ng Lemery.
Natagpuan ang biktimang naglalakad mag-isa sa kalsada ng mga opisyal ng Brgy. Mayasang, sa pangunguna ni Chairman Pedro Balani.
Agad nakipag-ugnayan ang barangay chairman sa mga awtoridad upang i-turnover ang dayuhang biktima.