NAGPAHAYAG ng buong suporta si Vice Ganda sa Angkasangga Partylist at sa adbokasiya nito na itaguyod ang kapakanan ng mga breadwinner, lalo na sa informal sector.
Sa isang rally na dinaluhan ng 4,000 katao sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Maynila, pinuri ni Vice Ganda ang first nominee ng Angkasangga, si Angkas CEO George Royeca, sa dedikasyon sa pagprotekta sa mga manggagawa ng bansa.
“Sa dami ng pinagdaanan ninyo sa pagsuporta sa pamilya, kailangan niyo ng kasangga na poproteksiyon at susuporta. At ‘yan ang 107 Angkasangga,” pahayag ni Vice Ganda, bida sa comedy family drama na And the Breadwinner Is.
Muli namang pinagtibay ni Royeca ang pangako na iangat ang buhay ng mga breadwinner ng Maynila sa kanyang pagtakbo sa Kongreso sa pamamagitan ng karagdagang benepisyo mula sa gobyerno.
“Kahit hindi pormal na empleado, basta breadwinner, dapat may benepisyo mula sa gobyerno. ‘Yan ang sisiguraduhin nating maisabatas,” wika ni Royeca.
Bukod sa kapakanan ng mga breadwinner, nais din ng Angkasangga na tugunan ang mahahalagang isyu tulad ng pampublikong transportasyon, paglikha ng trabaho, at proteksyon ng mga manggagawa.
Nangunguna sa takilya ng Metro Manila Film Festival ang pelikula ni Vice Ganda. Kamakailan, inimbitahan niya si dating Pangalawang Pangulo Leni Robredo sa isang special screening ng kanyang MMFF entry sa Gateway Mall sa Quezon City.
Matapos ang pelikula, inihalintulad ni Vice Ganda ang kanyang karakter kay Robredo, na inilarawan ang dating Bise Presidente bilang isang hindi napapahalagahang “breadwinner.”
“Si Madam Leni, minsan din siyang naging breadwinner nating lahat. Ikaw ‘yung breadwinner. Ang tingin ko sa ‘yo, ikaw din si Bambi,” sabi ni Vice Ganda, na tinutukoy ang pangalan ng kanyang karakter sa pelikula.