KONTRA si Cristy Fermin sa pagsasapelikula ni Darryl Yap ng The Rapists of Pepsi Paloma.
Ang dahilan, tila gusto raw ng kontrobersiyal na direktor na pabagsakin si Vic Sotto.
Sa kanyang Showbiz Now Na noong Linggo, January 5, iginiit ng beteranang manunulat at radio-online host na hindi niya suportado ang bagong pelikula ni Yap.
“Natutuwa ako sa kanyang mga atake paminsan-minsan. Pero this time, ‘hindi mo ako kasama sa gusto mong palabasin.’
“Ano ang gusto mo, Direk Darryl? Ang wasakin si Bossing Vic Sotto dahil sa tagumpay ng ‘The Kingdom?’” ani Nanay Cristy ukol sa pagsasapelikula ng buhay ng yumaong sexy star noong dekada 80 na si Pepsi Paloma.
“Kahit pa magkababayan kayo sa Olongapo, wala kang alam. Anong sabi ko sa ‘yo? ‘Bakit kailangan mo pa itong gawin? Ano ang iyong layunin?’”
“Mayroon tayong tinatawag na respeto sa ating kapwa. Dapat naroon pa rin ‘yon. Hindi nawawala,”dire-diretsong turan pa ni Nanay Cristy.
Mainit na pinag-uusapan sa social media ang inilabas na teaser ng The Rapists of Pepsi Paloma, may mga kumokontra rito at nakatatanggap ng bashing ang mga artistang nagsisiganap.
Isa sa umalma ang nagpakilalang anak ng yumaong comedian na si Richie D’Horsie na makakasama sa kuwento ng buhay ni Pepsi.
Napamura ang isang Alexis John Reyes sakanyang Facebook, isa raw siya sa mga anak ni Richie (Ricardo Reyes sa tunay na buhay), kay Direk Darryl.
Inalmahan nito ang upcoming movie. Ani Alexis, “(Nagmura). Patay na tatay ko nanahimik na. ano yan gagawan mo ng pilikula tatay ko wala kang permisyo saming pamilya ah (mura uli) tigilan nyo tatay ko.”
Ibinahagi rin ni Alexis sa Instagram story
ang litrato ng isang law firm na pinuntahan niya para makipag-usap sa abogado hinggil sa paggamit ni direk Darryl sa pangalan ng kanyang ama sa pelikula nito.
Sa caption, sinabi nitong, “Meeting muna Daddy Richie D’ Horsie ikaw na bahala sakin ah, lalaban ako para sayo hindi ako aatras ayoko bastusin ang pangalan mo Daddy.”
Naibahagi rin ni Cristy Fermin na kinausap siya tungkol sa pagsasapelikula ng life story ni Pepsi.
Aniya, lumapit sa kanya si direk Darry para hingan ng opinyon ukol sa pelikula niyang The Rapists of Pepsi Paloma.
Naitanong din ng direktor kung ano sa palagay nito ang dahilan bakit tinanggihan ng Viva Films ang kanyang pelikula.
“Isang araw, nag-text sa akin si Darryl. Sabi niya, ‘Nanay, pwede ba kitang tawagan? Hihingi lang ako ng opinyon mo at saka advice.’ Sabi ko, oo.”
“Nag-usap kami. Sabi niya, ‘Nay, bakit kaya tinanggihan ng Viva itong pelikulang plano kong gawin. ‘The Rapists of Pepsi Paloma.’
“Sabi ko, talagang tatanggihan ni Boss Vic Del Rosario ‘yan dahil ang kanyang pakikipagkaibigan sa Tito, Vic, and Joey ay malalim pa sa alam mo,” tuloy-tuloy na pahayag ni Nanay Cristy.
“Ang singing career ng Tito, Vic, and Joey ay nagsimula sa Vicor (Music) kay Boss Vic.
“Hindi niya talaga papayagang siya pa ang maging dahilan para mai-produce at lumabas itong pelikulang ito,” dagdag pa.
Nasabi na ni direk Darryl na hindi Viva Films ang prodyuser nf kanyang The Rapists of Pepsi Paloma. Itinanggi rin niyang may kinalaman ang pamilya Jalosjos at ang kalaban sa politika ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa may pakana sa pelikula. (MVV)