Thursday , December 12 2024
Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay sa aksidente sa kalsada, na nagsimula noong Huwebes ng nakaraang linggo, Disyembre 5, makaraang ararohin ng isang 10-wheel truck ang mga naghilerang sasakyan sa isang lane hanggang sa Katipunan flyover sa Quezon City.

Ang dahilan: nawalan ng preno ang dambuhalang truck. Sa sobrang pagkasindak sa grabeng pinsalang ginawa ng minamaniobra niya na nagmistulang halimaw ng lansangan, tumakas ang driver. Nataranta marahil siya sa matinding takot dahil tiyak nang maraming nasaktan at napinsala sa idinulot niyang aksidente.

Apat na katao ang nasawi, 30 iba pa ang nasugatan, at limang sasakyan, kabilang ang isang van, isang bus, at 16 motorsiklo ang nawasak at nagsitilapon sa bangketa. Hindi nagtagal at naaresto rin ang driver na si Richard Mangupag, sinabi sa mga pulis na pumalya ang preno ng minaneho niyang truck bago pa siya sumampa sa flyover, pero nagtuloy-tuloy pa rin siya.

Nang sumunod na gabi, Biyernes, Disyembre 6, sa kabilang bahagi ng metropolis, isa pang pagpalya ng preno ang nauwi sa trahedya sa Parañaque City. Isa na namang 10-wheeler ang sumalpok sa isang pickup, na nagresulta sa pagbabanggaan ng lima pang sasakyan.

Isang tao ang namatay habang limang iba pa ang nasugatan. Isa pa itong aksidente na naiwasan sana ng regular na maintenance.

At pagsapit ng Sabado ng gabi, Disyembre 7, sa kabilang panig ng subdibisyon namin dito sa Quezon City, nabundol ng isang Alps bus ang isang 57-anyos na babaeng tumatawid sa intersection ng P. Tuazon at J.P. Rizal kasabay ng pagpapalit ng traffic lights.

Nakita sa CCTV footage na naglalakad ang babae ilang segundo bago nagpalit ang pedestrian crossing light nang kumaliwa ang bus, kaya nasalpok siya at napailalim dito.

Ang kanyang katawan, na nanatili sa ilalim ng bus nang mahigit dalawang oras, ay isang malagim na patunay sa panganib na idinudulot ng paglabag sa batas trapiko.

Naiwasan sana ang lahat ng pagkasawing ito kung hindi lang maituturing nang rare commodity ang pagiging responsable sa mga kalsada sa Metro Manila sa panahon ngayon. Ang grabeng pinsalang iniwan ng mga tinatawag na ‘aksidente’ ay iisa ang pinag-uugatan: kapabayaan — pagpapabaya sa panig ng mga driver, ng may-ari ng mga sasakyan, at ng mga itinalagang magpatupad ng safety standards.

Ang mga trahedyang ito ay hindi simpleng estadistika lamang. Inilalantad nito ang kapalpakan ng sistema sa pagpapatupad ng kaligtasan sa lansangan, pagmamantina ng sasakyan, at pananagutan ng nagmamaneho. Kayang maiwasan ang bawat banggaan kung naging responsable lang sana ang mga driver, operator, o awtoridad.

Ngayong Pasko, igiit natin — hindi lamang basta hangarin — na gawing mas ligtas ang ating mga kalsada. Hindi tamang namemeligro ang buhay ng iba dahil lang sa kapabayaan ng ilan, ikaw man ay humahataw ng 60 kilometers per hour sa Skyway o umuusad nang 5 kph sa EDSA. Bawat buhay ay mahalaga, at panahon nang isabuhay natin ito.

                                  *         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Victory Liner Inc., goes eco-friendly

AKSYON AGADni Almar Danguilan TAMA ang inyong nabalitaan, ang Victory Liner Inc. (VLI), ang top …

Firing Line Robert Roque

Pagod na sa daluyong — kahit pa nasa tasa

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MAKALIPAS ang 10 araw sa detension, pinalaya na nitong …

Dragon Lady Amor Virata

Bayaw vs hipag for P’que city mayor

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MAGBABALIK si formermayor and congressman Edwin L. Olivarez sa …

YANIG ni Bong Ramos

Abolished na police department/s ipinangongolekta pa rin

YANIGni Bong Ramos DALAWANG departamento ng pulisya na matagal na panahon nang abolished ang ipinangongolekta …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …