PINUNA ni Senador Win Gatchalian ang kakulangan ng mahigit 7,000 Special Needs Education (SNED) teachers sa isang pagdinig na sumuri sa pagpapatupad ng inclusive education para sa mga learners with disabilities o mag-aaral na may kapansanan.
Sa naturang pagdinig hinggil sa oversight review ng Republic Act No. 11650 o ang Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act, binigyang diin ni Gatchalian ang kakulangan na 7,651 SNED teachers batay sa public school enrollment para sa School Year (SY) 2023-2024.
Sa kasalukuyan, mayroong 5,147 SNED teachers, samantala umabot sa 323,344 learners with disabilities na may edad dalawa hanggang 17 anyos ang nag-enroll noong SY 2023-2024.
“Isa sa mga hamon sa pagpapatupad ng inclusive education ang pagtiyak na may sapat at kalipikado tayong mga guro. Intensiyon nating tugunan ang mga isyu na may kinalaman sa kakulangan ng mga gurong may kaalaman o eksperto sa special needs education,” ani Gatchalian.
Kasunod nito, hinimok ni Gatchalian ang Department of Education (DepEd) at ang Commission on Higher Education (CHED) na magtulungan upang matiyak ang pagkakaroon ng mga kalipikadong SNED teachers.
Ginawang institutionalized ng Republic Act No. 11650 ang policy of inclusion sa lahat ng pampubliko at pribadong early at basic education schools.
Mandato sa mga paaralang ito na tiyakin ang equitable access sa dekalidad na edukasyon para sa lahat ng mga mag-aaral na may kapansanan.
Sa ilalim ng batas, walang mag-aaral ang mapagkakaitan ng oportunidad na makapasok sa isang paaralan dahil lamang sa kanyang kapansanan.
Layon din ng batas na bigyan ng pagsasanay ang mga guro at school personnel sa pangangalaga at edukasyon ng mga mag-aaral na may kapansanan.
Mandato ng batas sa DepEd na makipag-ugnayan sa CHED upang matiyak ang mga programang bachelor of elementary o secondary education na may mga kurso sa inclusive education.
Nakasaad din sa batas ang pagkakaroon ng scholarship program para sa mga in-service teachers na kukuha ng mga kurso sa mga required master’s degree units sa special needs education, inclusive education, at iba pang related courses.
Kapalit nito, kakailanganin ng mga benepisaryo ng programa na tumupad ng return service sa DepEd.
“Isinulong natin ang pagkakaroon ng scholarship program upang tugunan ang kakulangan sa mga guro. Habang hinihikayat natin ang mas maraming magulang na papasukin ang kanilang mga anak sa paaralan at habang ipinatutupad natin ang Child-Find System, makikita natin ang pagtaas ng enrollment rate. Kailangang tiyakin nating may sapat tayong bilang ng gurong may kasanayan sa special needs education,” ani Gatchalian, sponsor at co-author ng Republic Act No. 11650. (NIÑO ACLAN)