SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
SI Vilma Santos lang yata ang naringgan naming politiko na nagsabing, “Hindi galing sa bulsa ko ang ipinagawa sa proyektong ito. Pera ninyo iyan, ibinabalik ko lang sa inyo.”
Napag-usapan ang ukol sa pagiging politiko dahil may temang politika ang ipinanood sa Vilma Santos: Woman Artist, Icon (The Vilma Santos Retrospective) sa University of Sto Tomas, ang restored movie na Dekada ‘70 at naibahagi ng Star for All Seasons na apat na beses siyang inalok para tumakbong Vice President ng Pilipinas. Kinausap pa raw siya ng personal noon ng dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo para tumakbong bise presidente.
“Noong una akong inalok papunta ako sa aking third term as Governor of Batangas. Ang priority ko kasi ay pagiging governor ng Batangas at hindi ang pagiging vice president,” giit ni Ate Vi.
“Ang priority ko tapusin ko ang third term ko para matapos ko o madugtungan ko ang mga programa o proyektong ginagawa ko. Kasi hindi naman kayang tapusin lahat in three years so, nine years kailangan ang aking programs and priority projects matapos ko. Kaya noong pinipilit akong tumakbo bilang vice president I said no noong kinausap ako ni President GMA at sinabi kong gusto kong tapusin ang termino ko,” dagdag pa ni Ate Vi.
Iginiit pa ng premyadong aktres na hindi pinag-uusapan ang posisyon kundi ang, “fulfillment kung ano ang tiwalang ibinigay sa akin na gusto kong ibalik sa kanila.
“Working in the government is not easy. Believe me, 24 years it is a sacrifice lalo na ako na galing sa showbusiness. Kasi sa showbiz ang trato sa iyo reyna, ang taas ng suweldo, pagdating mo roon (politics) ang liit ng suweldo. ‘Yun ang totoo unless may gawin kang magic.
“But the thing is I’m not being self righteous. Ang akin lang never in my wildest dream na pagkakatiwalaan ako ng mga tao. Pero iyong tiwalang ibinigay sa akin to lead them as first woman na mayor, governor, ang intensiyon ko lang ay ibalik ang tiwalang iyon,” tuloy-tuloy na wika pa ni Ate Vi.
At tulad ng pelikulang ipinalabas noong hapong iyon, ang Dekada ‘70 na hindi perpekto ang karakter na ginampanan ni Vilma, si Amanda Bartolome, bilang ina ninaPiolo Pascual, Marvin Agustin, at John W Sace.
“I am not saying I’m perfect but in may own little way baka naman its better na ‘yung tinatawag na we can make a change kahit paano baka may pwede kang gawin for the better at pagod na ang taong sabihing gawang gobyerno. Ayaw ko iyon.
“Gusto ko kapag may ginawa ako something I can be proud of and tell them hindi ‘yan galing sa bulsa ko, pera ninyo iyan, ibinabalik ko lang sa inyo,” giit pa ni Ate Vi.
Sana’y pamarisan ng maraming politiko si Ate Vi na hindi inaangkin ang mga proyekto para sa bayan.
Samantala, tatlong libro ang lilimbagin ng UST Press tungkol kay Ate Vi. Unang ilalabas ang scholarly written book na naglalaman ng mga isinulat tungkol kay Ate Vi ng mga napili nilang mga scholarly writers mula sa iba’t ibang unibersidad. Ang libro ay papatnugutan ni Dr. Augusto Antonio Aguila, doctor of Philosophy and Letters mula sa UST.
Ang librong ilalabas ukol kay Ate Vi ay isang parangal at pagkilala sa kanya bilang isang aktres, isang lingkod bayan, isang ina, at pagiging icon.