Wednesday , December 4 2024
Firing Line Robert Roque

Pagod na sa daluyong — kahit pa nasa tasa

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

MAKALIPAS ang 10 araw sa detension, pinalaya na nitong Biyernes ang chief of staff ni Vice President Sara Duterte na si Zuleika Lopez.

Maaaring ipahiwatig ito bilang isang paraan ng Kamara de Representantes upang pahupain ang tensiyon, pero ang katotohanan — naisakatuparan na kasi ang tunay na dahilan sa likod ng wala sa katwirang pagkakadetine kay Lopez: ang sirain ang imahen ng kanyang boss.

Isa iyong pain na maayos na naisagawa upang makorner ang VP na tinalo ng kanyang emosyon. Totoong nanggalaiti siya at ngayon ay nanganganib ma-disbar sa pagkaabogado, masampahan ng kasong kriminal, at maisalang sa impeachment proceedings, at, kasama na rin, ang mapahiya at durugin ang kanyang reputasyon sa harap ng mundo.

Masasabi namang malakas ang loob ng kanyang ama, si dating pangulong Rodrigo Duterte, nang manawagan sa militar na mag-aklas laban sa kasalukuyang commander-in-chief; matapang din si Sara na pangunahan ang isang ‘people’s power,’ pero batid maging ng pinakamatatapat nilang tagasuporta na ang mga aksiyong ganoon ay lalo lamang magpapahamak sa kanilang political career.

Ang pambabalewala ni Pangulong Marcos sa pagbabanta ni Inday Sara sa kanyang buhay bilang “storm in a teacup” ay kapuri-puri, senyales ng isang pinunong may estratehiya at kompiyansa sa posisyong kanyang pinanghahawakan.

Sinabihan pa niya ang kanyang mga kaibigan sa Kamara na itigil ang anumang planong i-impeach ang Bise Presidente dahil sa pagbabanta sa buhay niya, ng kanyang asawang si First Lady Liza Araneta-Marcos, at ng kanyang pinsang si Speaker Martin Romualdez.

Hindi sa simpleng pagkikibit-balikat sa seryosong inihayag ng nagwawalang si VP Sara, ang kalmadong reaksiyon ng Presidente ay nagbibigay-diin sa kanyang kalkuladong galawan na makapagbigay ng matatag na imahen — laban sa isang nagmamarakulyong bise presidente at sa kalagitnaan ng lumalalang problemang pambansa.

Bagamat mistulang kalmado at kontrolado ni Marcos ang sitwasyon, ang pag-subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Duterte ay nagpapahiwatig na desidido ang hakbanging legal na ito ng Department of Justice (DOJ).

Ang sabayang pagkilos na ito ay nagbibigay ng malinaw na mensahe: hindi pumapatol ang administrasyon sa mga emosyonal na pagdadrama, pero hindi rin ito papayag na ang mga bantang ganoon ay pasimpleng malulusutan na lang at hindi pananagutan ng nagkasala.

Maaaring pilit ipinalalabas ng VP na matapang siya, pero ang hindi pagsipot sa NBI ay gawain lang ng isang taong umiiwas o tumatakas. Taliwas ang ginawa niya sa pagpapakita ng kagitingan ng kanyang ama sa pagharap sa QuadCom hearing kahit sangkatutak ang kalaban niya roon, sinabihan silang itanong ang lahat ng gustong malaman mula sa kanya dakong 2:00 ng madaling araw.

Kaya hindi na dapat tayo magtaka kung bakit iilan lang ang tumalima sa panawagang magtipon-tipon sa EDSA Shrine bilang pagpapakita ng suporta para sa VP. Totoong ang mga ginagawa ng Bise Presidente ay parehong-pareho ng bravado ng kanyang ama, pero hungkag at wala pa rin kuwenta para sa isang bansang umay nang tumanggap ng panibagong daluyong.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Dragon Lady Amor Virata

Bayaw vs hipag for P’que city mayor

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MAGBABALIK si formermayor and congressman Edwin L. Olivarez sa …

YANIG ni Bong Ramos

Abolished na police department/s ipinangongolekta pa rin

YANIGni Bong Ramos DALAWANG departamento ng pulisya na matagal na panahon nang abolished ang ipinangongolekta …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …