Oroquieta City — Nagpamalas ng husay si International Master Michael Concio, Jr., ng Filipinas sa kanyang malalim na kaalaman sa endgame sa Armageddon tie-break laban kay top seed at Super Grandmaster Timur Gareyev ng Uzbekistan upang pangunahan ang katatapos na 3rd Governor Henry S. Oaminal Open Chess Festival sa Asenso Misamis Occidental Sports and Cultural Center (AMOSACC), Capitol Complex sa Oroquieta City, Misamis Occidental noong Martes, 5 Nobyembre 2024.
Tangan ang puting piyesa, ginapi ng 19-anyos na Dasmariñas City, Cavite pride ang Uzbek Super GM sa 41 moves ng Nimzo-Indian Defense.
Nakamit ni Concio ang P100,000 premyo, sa kagandahang-loob ng gobernador na dinoble ang orihinal na P50,000 laman ng palayok, kasama ang isang natatanging tropeo.
“I am extremely satisfied with the outcome. The results exceeded my expectations,” ani Concio.
Pahayag ni Gareyev, “I pushed myself to my limits, as I kept on attacking him but he defended well. We both gave a good fight, but I was time-pressured. In Armageddon, you have to play fast and precise,” dagdag ni Gareyev na nakopo ang runner-up prize na P60,000.
“In chess, the Armageddon is a variation of the blitz event where a drawn game is counted as a win for the black pieces. By nature, an Armageddon game cannot end in a draw and black also starts with less time on the clock than white,” paliwanag ni Arena Grandmaster Engr. Rey Urbiztondo.
Sa mungkahi ni Gareyev, ginawa ang Armageddon blitz showdown para ma break ang tie.
Tumapos sa 9 rounds swiss sina Gayerev at Concio ng tig 8.5 points.
Si Concio ay nagtala ng anim na sunod na panalo laban kina Rogelio Andoy, Bonn Rainauld Tibod, FIDE Master Roel Abelgas, International Master Angelo Young, Jayson Salubre, at International Master Joel Pimentel, habang si Gareyev ay pinayuko sina Hezziel Alcebar, Janmyl Dilan Tisado, Aljie Cantonjos, Sherwin Tiu, National Master Raymond Salcedo, at Grandmaster Darwin Laylo bago sila magtabla ni Concio sa pivotal 7th round.
Tinalo ni Concio sina Grandmaster Daniel Quizon at FIDE Master Austin Jacob Literatus sa Round 8 at Round 9, ayon sa pagkakasunod habang panalo si Gareyev kina Grandmaster Rogelio “Joey” Antonio, Jr., at FIDE Master Ellan Asuela.
Nabigong magkrus ang landas sa dayuhang bisita sa buong regulasyon ng torneo, naungusan ni GM Quizon ang kapwa 7.5 pointers na sina Tiu, IM Rolando Nolte, at lokal na batang si Rodney Opada sa Bucholz tiebreaker para makuha ang ikatlong puwesto na nagkakahalaga ng P40,000.
Sina Tiu, Nolte, at Asuela ay nasa ikaapat hanggang ika-6 na puwesto na may P20,000, P10,000 at P6,000 takehome, ayon sa pagkakasunod.
Kompleto sa top-10 finishers na may tig-P4,000 sina Pimentel, Laylo, Literatus, at Antonio.
Sa kategoryang 17 & Under, nagwagi bilang kampeon si FIDE Master Christian Gian Karlo Arca ng Panabo City, Davao del Norte na may 8.5 puntos, nakakuha ng P60,000 at tropeo.
Sa kategoryang 13 & Under, nakuha ni top-seeded National Master Mar Aviel Carredo ng Dasmariñas City, Cavite ang titulo ng kampeonato sa iskor na 6.5 puntos, nanalo ng P60,000 cash at tropeo para sa kanyang malakas na pagganap.
Pinangunahan ni Hall of Famer at Asia’s First Grandmaster Eugene Torre ang closing rites sa FIDE rated rapid event at National Chess Federation of the Philippines sanctioned tournament. (MARLON BERNARDINO)