FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
Siguradong tatanggalin na ng PAGASA ang Kristine sa inuulit na mga pangalan ng bagyo dahil sa matinding pinsalang idinulot nito sa bansa.
Habang isinusulat ito, umabot na sa 85 ang nasawi habang 41 iba pa ang hinahanap. Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), halos 160 lugar ang isinailalim sa state of calamity, kabilang ang malaking bahagi ng aking pinagmulang rehiyon, ang Bicol.
Tunay na nakapanlulumo ang trahedyang ito, lalo na kapag napapakinggan ang kuwento ng mga pamilyang napilitang manatili sa bubong ng kanilang mga bahay matapos na hindi humupa ang mataas na baha kahit pa dalawang araw na ang nakalipas nang lumabas ng bansa ang Kristine.
Umaapela ang Firing Line sa Pangulo, na nagpamalas ng tunay na malasakit, nang walang malisya o intensiyong pulitikal, sa pagtulong sa aming rehiyon—ang balwarte ng kanyang pinakamatinding nakaribal sa mga nakalipas na presidential at vice presidential elections.
Umaasa akong ang pagbisita ni Marcos sa Naga City nitong weekend upang personal na makumusta ang kalagayan ng mga evacuees ay walang halong pakitang-tao. At ang pagkakaloob niya ng P50 milyon sa acting governor ng Albay at P30 milyon sa alkalde ng Naga City, mula sa pondo ng Office of the President, ay hindi lamang pampalubag-loob, kundi isang malinaw na indikasyon ng totoong kagustuhan niyang makatulong sa pagbangon ng mga sinalanta ng bagyo.
Binigyang-diin pa niya na ang Bicol River Basin Development Program (BRBDP), na pinasimulan ng kanyang ama noong dekada ’70, ay idinisenyo upang matugunan ang paulit-ulit na pagbabaha sa rehiyon at papaghusayin ang mahalagang imprastrukturang ito.
Bagamat minalas na biglaang ipinatigil ang proyektong ito noong 1986, nananawagan ang Firing Line sa Punong Ehekutibo na bigyang-pagpapahalaga ang mga bumoto at sumuporta sa kanya noong 2022 sa pamamagitan ng pagbuhay muli sa BRBDP.
Mahalagang buhaying muli ang proyekto at ang inyong impluwensiya sa likod nito ay nagpapatunay ng malalim ninyong pag-unawa sa socio-economic impact ng nasabing imprastruktura. Ang Bicol River Basin — na sumasaklaw sa Camarines Sur, Albay, at sa ilang bahagi ng Camarines Norte — ang nagsisilbing mahalagang pagkukunan, pero perhuwisyo ang dulot sa mga residente ng paulit-ulit na pagbabaha, nakakaapekto sa dami ng ani ng agrikultura, at pumipigil sa economic mobility.
Sa lakas-loob na pagbuhay muli sa proyekto, nagpapakita ang administrasyong Marcos ng seryosong commitment sa pangmatagalan at climate-sensitive governance na pupuwedeng magdulot ng katatagan sa mga nasasaalang-alang na komunidad sa Bicol.
Isa rin itong oportunidad upang palayain ang iyong sarili, ang iyong pamilya, at ang iyong administrasyon mula sa usaping pulitikal na nakaugnay sa pagpapatalsik sa puwesto sa iyong ama noong 1986 o sa mga paksiyong Yellow at Pink na matagal nang tumututol sa pagbabalik ng iyong pamilya sa kapangyarihan.
Sa halip, piliin ang tama at mabuti at patunayan sa lahat na ang tunay na pamumuno ay tungkol sa tao, hindi sa pulitika. Patunayan mo na ang iyong commitment sa Bicol ay hindi nakasalalay sa mga boto o katapatang pulitikal, kundi sa pangunahing tungkulin na protektahan at itaguyod ang mga rehiyong nangangailangan ng tulad mo.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).