Hindi inaalis ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang posibilidad na maging super typhoon ang Severe Tropical Storm “Leon” na maaring umabot sa Signal No. 5 habang papalapit sa hilagang Luzon.
Sa bulletin ng PAGASA nitong 11:00 ng gabi ng Lunes, 28 Oktubre, iniulat na nananatili ang lakas ng STS Leon na may maximum sustained winds na 100 kph malapit sa gitna, at bugso na aabot sa 125 kph habang binabagtas ang Philippine Sea.
Ayon sa PAGASA, maaari itong maging super typhoon sa susunod na 12 oras habang papalapit sa lalawigan ng Batanes.
Namataan dakong 10:00 kagabi ang gitna ng mata ng STS Leon 705 kilometro Silangan ng Echague, Isabela.
Dahil sa inaasahang malakas na hanging dulot nito, nananatiling nakababa sa Signal No. 1 ang mga lalawigan ng Batanes, Cagayan (including Babuyan Islands), Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Kalinga, Abra, Mountain Province, Ifugao, hilagang bahagi ng Benguet (Bakun, Kibungan, Atok, Bokod, Mankayan, Buguias, Kabayan), Ilocos Norte, Ilocos Sur, Aurora, hilagang bahagi ng Quezon kabilang ang Polillo Islands (General Nakar, Infanta, Real), Camarines Norte, silangang bahagi ng Camarines Sur (Tinambac, Siruma, Goa, Lagonoy, San Jose, Garchitorena, Caramoan, Presentacion, Tigaon, Calabanga, Saglay), Catanduanes, silangang bahagi ng Albay (Rapu-Rapu, Bacacay, City of Tabaco, Tiwi, Malilipot, Malinao, Santo Domingo, Manito), hilagang silangang bahagi ng Sorsogon (Prieto Diaz, City of Sorsogon, Gubat), silangang bahagi ng Northern Samar (San Roque, Pambujan, Catubig, Laoang, Palapag, Gamay, Lapinig, Mapanas, Mondragon), at hilagang bahagi ng Eastern Samar (Jipapad, Arteche, Oras, San Policarpo).
Sa pagbaybay ng STS Leon, inaasahang lalakas ang hanging dulot nito at maaring magbaba ng Signal No. 3 o 4 sa duong hilagang Luzon, at kung magiging super typhoon, maaring umabot sa Signal No. 5.
Base sa tatlong araw na rainfall forecast ng PAGASA, makakaranas ng katamtaman hanggang malakas na ulan ang Luzon.
Mula Lunes ng gabi hanggang Martes ng gabim 29 Oktubre, maaaring maranasan ang malakas na pag-ulan (100-200mm) sa Cagayan at Babuyan Islands, habang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan (50-100mm) ang mararanasan sa Batanes, Apayao, Ilocos Norte, Isabela, Calamian Islands, Occidental Mindoro, Negros Occidental, at Antique.
Mula Martes ng gabi hanggang Miyerkoles ng gabi, 30 Oktubre, maaaring makararanas ng matindi at malakas na pag-ulan ang Batanes, Cagayan, at Babuyan Islands (higit sa 200mm).
Inaasahan rin ang malakas na pag-ulan sa Ilocos Norte, Apayao, Occidental Mindoro, at Antique, habang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan ang mararanasan sa Ilocos Sur, Isabela, Abra, Calamian Islands, Romblon, Negros Occidental, at Aklan.
Mula Miyerkoles ng gabi hanggang Huwebes ng gabi, 31 Oktubre, mararanasan ang malakas at walang tigil nap ag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands.
Inaasahan rin ang matindi at malakas nap ag-ulan sa Calamian Islands at Occidental Mindoro, habang katamtaman hanggang malakas nap ag-ulan ang inaasahan sa Ilocos Norte, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Romblon, at Antique.
Nagbabala ang PAGASA na maaring magdulot ang malalakas na ulan ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar.
Samantala, ang iba pang mga lugar sa bansa ay makararanas ng maulap na papawirin na may manaka-nakang pag-ulan at localized thunderstorms.