NANANAWAGAN ng hustisya ang isang pamilya sa lungsod ng Carcar, sa lalawigan ng Cebu, matapos matagpuang nilapastangan ang labi ng kanilang 22-anyos na kaanak sa isang pampublikong sementeryo, nitong Linggo, 20 Oktubre.
Hindi makapaniwala ang pamilya nang madiskubreng tinanggal mula sa nitso ang kabaong na kinalalagyan ng kanilang kaanak na si Angel (hindi totong pangalan).
Nabatid na nanganak si Angel sa isang pagamutan sa lungsod ng Cebu noong 11 Setyembre at dinala sa Intensive Care Unit dahil sa paglala ng kondisyon dulot ng eclampsia hanggang siya ay pumanaw noong 9 Oktubre.
Inilibing ang kaniyang labi noong 19 Oktubre ngunit natagpuan ng isang sepulturero kamakalawa ng umaga na tinanggal mula sa nitso ang kabaong ng biktima.
Nang magtungo ang mga kaanak ni Angel at buksan ang kabaong, nakita nilang wala nang saplot ang biktima at kita ang maseselang bahagi ng kaniyang katawan.
Agad isinumbong ng pamilya ang insidente sa pulisya na siyang kumuha ng mga swab sample mula sa katawan ni Angel upang sumailalim sa pagsusuri upang matukoy kung ito ay ginahasa.
Ayon kay Artemio Laputan, ang sepultero, isa siya sa tumulong na ilibing ang labi ni Angel, at ito ang unang pagkakataon sa loob ng 30 taon niyang pagiging sepulturero, na may naganap na ganitong insidente.
Naniniwala umano siya na dalawang tao ang nasa likod ng paglaspatangan sa labi ng biktima.
Aniya, alam ng mga sangkot na indibiduwal kung saan niya itinatago ang kaniyang mga kagamitan sa paglilibing.
Samantala, nauna nang pinasinungalingan ng tauhan ni Laputan na kinilalang si alyas Clinton, ang kaugnayan sa krimen.
Aniya, nagtungo siya sa lungsod ng Cebu ilang oras matapos mailibing ang labi ni Angel.
Ayon kay P/Lt. Col. Bryan O’Neil Salvacion, hepe ng Carcar CPS, mayroon nang mga indibiduwal na itinuturing nilang mga person of interest ngunit tumangging magbigay ng detalye.
Ani Salvacion, kung mapatutunayang ginahasa ang labi ni Angel, sasampahan ang mga suspek ng kasong necrophilia na may parusang habambuhay na pagkabilanggo. (HNT)