NAANTALA ang mga klase sa dalawang unibersidad sa lungsod ng Cebu dahil sa mga bomb threat, na kalaunang napatunayang hindi totoo, nitong Lunes, 21 Oktubre.
Nabatid na ipinaskil sa Facebook ang dalawang bomb threat ngunit matapos ang mahigpit na inspeksiyon, walang natagpuang pampasabog sa mga campus ng Cebu Technological University (CTU) at Cebu Institute of Technology – University (CIT-U).
Idineklara ng Cebu CPO na ligtas na ang dalawang campus ngunit mariing kinondena ang dalawang insidente ng bomb threat na maaaring pagmulan ng kaguluhan at pangamba sa komunidad.
Dahil sa insidente, sinuspinde ang mga klase sa CTU hanggang ngayong Martes, 22 Oktubre, habang ang mga klase sa CIT-U ay isasagawa sa online at asynchronous.
Ayon kay P/Col. Antonietto Cañete, hepe ng Cebu CPO, natukoy na ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng netizen na responsable sa bomb scare sa CTU.
Ipinaskil sa Facebook ng isang John Steve ang: “Hello Technologists. Bomb successfully planted.”
Samantala, ipinaskil ang hiwalay na bomb threat sa isang Facebook group page ng CIT-U na nagsasabing: “Goodbye GLE building.”
May kalakip ng larawan ang dalawang Facebook post ng isang bomba na may detonating device.
Agad nagtalaga ng bomb-sniffing dogs at mga tauhan mula sa Explosive Ordnance Division (EOD) sa dalawang paaralan upang masuri ang mga pagbabanta.
Anang hepe ng Cebu CPO, mahigpit ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang indibiduwal na nasa likod ng social media account na may pangalang John Steve.
Gayondin, pinaalalahanan ng Cebu CPO ang publiko na seryosong mga paglabag ang bomb joke at bomb threat na maaaring makulong ang mga mapatutunayang nasa likod nito ng hanggang limang taon at magmumulta ng P40,000. (HNT)