CAUAYAN CITY – Tatlo katao kabilang ang suspek ang napaslang sa naganap na pamamaril sa isang kasalan sa Ilagan, Isabela nitong Sabado ng madaling araw, 19 Oktubre.
Kinilala ni P/Lt. Col. Jeffrey Raposas, hepe ng Ilagan CPS, ang suspek na si Arnel Bielgo, 49 anyos.
Sa ulat ni P/Cpt. Ronnie Heraña, Jr., Chief Investigator ng City of Ilagan Police Station, nabatid na parehong binawian ng buhay ang unang dalawang biktima na kinilalang sina Charlie Rosete, 49 anyos, magsasaka at Marvin Jake Coloma, 23 anyos, may asawa; habang ang suspek na napatay din ay nasa hustong gulang, magsasaka, may asawa, pawang mga residente sa nasabing lugar.
Naganap ang pamamaril sa isang kasalan sa Purok 6, Brgy. Centro San Antonio, Ilagan City, Isabela, dakong 3:30 am nitong Sabado.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, habang nasa kasalan ay biglang nagpaputok ng baril ang suspek at tinamaan ang unang biktima na si Rosete.
Agad tumalilis ang suspek sa pinangyarihan ng insidete ngunit hinabol siya ng mga barangay tanod at ng mga residente na nasa lugar.
Habang naghahabulan ay nagpatuloy sa pagpapaputok si Bielgo, kaya tinamaan ang pangalawang biktima na si Coloma, isa sa mga tumutugis sa namamaril na suspek.
Dahil sa patuloy na pagpapaputok ng suspek ay gumanti ang mga nagrespondeng tanod at mga residente sa pamamagitan ng pagpukol ng mga bato hanggang tamaan ang suspek sa ulo na nagresulta ng kanyang kamatayan.
Dinala ang mga biktimang sina Rosete at Coloma sa pagamutan kung saan sila idineklarang wala nang buhay.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang ginamit na baril na isang kalibre .38 revolver, mayroong tatlong basyo ng bala at tatlong live ammunition.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng City of Ilagan Police Station hinggil sa nangyaring pamamaril.