BINAWIAN ng buhay ang isang 51-anyos babaeng nurse nang saksakin ng isang lalaking pasyente dahil sa isang biro sa isang pribadong pagamutan sa lungsod ng Tagbilaran, lalawigan ng Bohol, nitong Huwebes, 17 Oktubre.
Ayon kay P/Lt. Col. John Kareen Escober, Tagbilaran CPS, hiniling ng pamilya ng nurse na huwag nang pangalanan ang biktima.
Nasugatan sa insidente ang isang utility worker ng Bohol Doctors’ Hospital na kinilalang si Francis Mora Justiniare, 21 anyos, na nagtangkang umawat sa suspek.
Samantala, kinilala ang suspek na si Marlito Linguis, 31 anyos, residente sa Brgy. Magsaysay, bayan ng Sevilla, sa nabanggit na lalawigan.
Nabatid na napikon ang suspek sa biro ng biktimang hindi siya makalalabas ng ospital kahit nakabayad na.
Isa si Linguis sa grupo ng mga indibiduwal na dinala sa pagamutan dahil sa labis na pagdudumi kung saan ilan sa mga pasyente ay nakalabas na nitong Miyerkoles, 16 Oktubre, habang ang suspek ay nakatakda sanang lumabas kahapon.
Ani P/Lt. Col. Escobar, inaayos na ng kapatid ng suspek ang kaniyang paglabas sa pagamutan nang maganap ang pananaksak sa nurse passado 8:00 am.
Dahil napikon sa biro ng biktima, kinuha ng suspek ang namataang kutsilyo sa isang mesa saka pinagsasaksak ang biktima na natamaan sa kaniyang kamay, leeg, at katawan.
Nang dumating ang mga nagrespondeng pulis, hawak na ng mga guwardiya ang suspek na napag-alamang isang drug surrenderer noong taong 2016 hanggang 2017.
Dagdag ng hepe ng lokal na pulisya, tinitiyak nila kung aktibong gumagamit ng ilegal na droga ang suspek nang mangyari ang pag-atake.
Nakatakdang sampahan ng kasong murder at physical injury ang suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng Tagbilaran CPS. (HATAW News Team)