HINDI nakaligtas sa kamatayanang mag-asawang kilalang online skin care sellers nang pagbabarilin sa bayan ng Mexico, lalawigan ng Pampanga, nitong Biyernes ng hapon, 4 Oktubre.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktimang sina Arvin Lulu at kaniyang asawang si Lerma Lulu, kapwa mga residente sa lungsod ng Mabalacat, sa nabanggit na lalawigan.
Sa inisyal na imbestigasyon, bumibiyahe sakay ng kanilang kotse ang mga biktima sa Brgy. Sto. Rosario, Mexico, nang pagbabarilin sila ng dalawang hindi kilalang lalaki.
Ayon sa ulat, nakaligtas ang kanilang anak at pamangkin na kasama nila nang maganap ang krimen.
Tumakas ang mga suspek patungo sa Jose Abad Santos Ave., sa naturang lugar, habang dinala sa pagamutan ang mga biktima kung saan sila idineklarang wala nang buhay dahil sa anim na tama ng bala sa katawan ni Arvin, at tatlo kay Lerma.
Kilala ang mag-asawa, partikular si Lerma, bilang distributor ng mga produktong skin care.
Makikita ang kaniyang mga tarpaulin na nag-e-endoso ng kaniyang mga produkto sa mga kalsada sa Metro Manila.
Nakiramay ang mga netizen sa pamilya ng mga biktima at nanawagan sa mga awtoridad na bilisan ang imbestigasyon upang madakip ang mga suspek.
Ayon sa pulisya, maaaring may kaugnayan sa negosyo ang motibo sa pamamaslang.
Bago maganap ang krimen, nag-post si Lulu sa Facebook na mas posibleng umunlad ang mga nagbabayad ng utang kompara sa mga nagbabalewala nito.
Naglunsad ng dragnet operation at follow-up investigation ang pulisya upang matunton at matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.