FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
MATAPOS mapanood ang privilege speech ni Senator Raffy Tulfo noong nakaraang linggo, hindi ko napigilang sumang-ayon sa mga puntong binanggit niya tungkol sa problema ng bansa sa backdoor. Sinasamantala ng mga human traffickers, illegal recruiters, at iba pang sindikatong kriminal ang rutang ito upang mairaos ang mga ilegal nilang gawain.
Pero gaya nga ng sinabi ng senador, ang tunay na problema sa backdoor ay hindi lamang tungkol sa mga pisikal na hangganan ng ating bansa; tungkol ito sa hindi nakokontrol na sistema na nagpapahintulot sa mga sindikato na makapambiktima ng mga Filipino na desperadong makalabas ng bansa para kumita.
Gawin nating halimbawa ang ilang overseas Filipino workers na nautong magbayad ng napakalaking halaga ng pera kapalit ng mga pekeng trabaho sa Europe, na sa huli ay mabibiktima lang ng sexual exploitation habang baon sa utang. Nakalulungkot na hindi iilan lang ang mga kasong ganito. Malaki ang posibilidad na maraming iba pa ang tuloy-tuloy na nabibiktima habang binabasa n’yo ito.
Ito ang dark haven para sa mga human traffickers at smugglers na nasumpungan ng mga puganteng tulad ng sinibak na alkalde ng Bamban na si Alice Guo.
Kapag nagkasa na si Tulfo ng Senate inquiry tungkol sa backdoor na ito, sigurado akong mas maraming bangungot ng ating mga kababayan ang mabubunyag. Tigilan na natin ang pagbubulag-bulagan sa problemang ito.
Katapusan na ni Quiboloy
Ayon sa mga television reports, dalawang biktima ng pang-aabuso ang lakas-loob na nakahandang lumantad upang tumestigo laban sa naarestong pastor na si Apollo Quiboloy.
Masyado nang matagal — batay sa imbestigasyong ginawa ng US Federal Bureau of Investigation — na siya’y nagtatago sa likod ng pulpito, hindi magawang mapalagan ng mga dumanas ng pang-aabuso ng sarili niyang relihiyosong grupo.
Para sa isang tao na idinedeklara ang kanyang sarili bilang “anointed son of god,” paano nga ba mareresolba ang patong-patong na krimeng ibinibintang sa kanya: bulk cash smuggling, sex trafficking by force, fraud and coercion, at mga karimarimarim na krimen laban sa mga bata?
Kung ang mga kasong ito ay hindi niya mapapanagutan dahil sa ugnayang mayroon siya sa ilang makakapangyarihan at maiimpluwensiyang tao, magiging lubhang kahiya-hiya ang ating justice system.
Huwag nating kalimutan — hindi nag-iisa si Quiboloy nang gawin ang mga krimeng ito. Ayon sa FBI, nagsabwatan ang matataas na opisyal ng kanyang organisasyon, mga opisyal na piniling magbulag-bulagan, o mas malala pa, tumulong para maisagawa ang mga kasamaang nabanggit. Dapat na maging sila ay managot sa mga naging papel nila sa pagsasakatuparan sa malawakang pang-aabuso at pananamantalang ito.
Hindi iisa lang ang nambiktima; isa itong sistema ng mga konsintidor na nagsigurong ang paulit-ulit na pang-aabusong ito ay magtutuloy-tuloy sa kunwaring konsepto ng debosyon sa relihiyon. Ang bawat isa sa kanila ay dapat na kaladkarin palabas ng kurtinang tumatabing sa kaharian ni Quiboloy at paharapin sa awtoridad alang-alang sa hustisya.
Para sa iba pang mga biktima na pinipili pa rin magkubli sa dilim: mahalaga ang inyong mga boses. Ang mga tunay na nananalangin ang magbibigay sa inyo ng lakas ng loob. Ngayong gumuguho na ang pader na matagal na nagkubli sa serye ng mga kasamaang ito, mananaig na ang batas — na walang pinapanigan na anumang relihiyon o sariling deklarasyon ng banal na titulo.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).