PUSH NA’YAN
ni Ambet Nabus
MARAMING mga supporter ni Liza Soberano ang nag-tag sa amin ng umano’y socmed account ng aktres na hindi na naka-follow sa management outfit nitong Careless Music.
Kamakailan sa isang interview ni James Reid ay tinuran pa nitong masaya si Liza at nasa kanila pa rin bilang artist nila. Na umano’y may mga nakalinya pang proyektong pagkaka-abalahan.
Hanggang sa makarating nga sa media ang post ng mga supporter ng aktres na nagtataka kung bakit hindi man lang daw mai-post ng Careless Music ang ganap ni Liza gayung active naman pala ito sa pag-promote ng mga ganap ni James?
“Mabuti pa ngang wala na si Liza sa kanila. Sana totoo na ‘yung balita dahil mukhang hindi naman nila naibibigay ‘yung dapat na tulong para kay Liza,” hirit pa ng mga supporters ng aktres.
Sa aming pagtanong-tanong, tila naguguluhan din sila sa totoong estado ni Liza kung under pa ba ito sa management outfit nina James or tuluyan na itong umalis?