DEBUT ngayong araw ng Bilyonaryo News Channel at kasabay nito ang pagbabalik-pagbabalita ng mga kinilala at tinitingala sa paghahatid ng balita, sila ang tinaguriang Agenda Setters na sina Korina Sanchez at Pinky Webb. Mapapanood ang dalawa sa primetime newscast na AGENDA.
Naunang inihayag ang makasaysayang pagbabalik sa news anchoring ng award-winning journalist na si Korina, na ang huling naging newscast ay halos may isang dekada na. Taglay ang mukha at pangalan na kasing kahulugan na ng Philippine media sa loob ng nagdaang limang dekadang pagiging anchor ng mga pangunahing news programs at lifestyle shows, si Korina ay isa na sa mga haligi ng broadcast journalism sa bansa. Ang Agenda ay patuloy na sasandig sa kanyang diretsong estilo ng pagtatanong sa mga stakeholders tungkol sa iba-ibang isyu na nakaaapekto sa bansa bilang pangunahing agenda ng programa.
Si Pinky naman ay may tatlong dekadang karanasan sa industriya ng pagiging anchor sa iba’t ibang programa para sa major news channel. Ang kanyang banayad na estilong panlabas ay bumabalanse sa masidhi at walang humpay na pamamahayag. Si Pinky ay kilalang mapagkakatiwalaan at may kalmadong pagbabalita na hahatak sa mga manonood para dalhin ang kanilang atensyon sa mga pangunahing isyu at balita.
Bahagi rin ng Agenda si Jam Alindogan, isang internationally-acclaimed correspondent at co-founder ng aid organization na Sinagtala. Si Jam ang magiging Foreign Affairs Editor ng channel na responsable sa lingguhang special report ukol sa mga mahahalagang isyu sa iba’t ibang panig ng mundo.
Isa pang beterano na makakasama sa pagbabalita ang walang takot na mamamahayag na si Nancy Carvajal. Si Nancy ay makakasama dalawang beses sa isang linggo para sa mga special reports.
Ang Agenda ay araw-araw matutunghayan sa primetime newscast mula 6:00 p.m. hanggang 7:00 p.m. Ang headline grabbing program na ito ang magiging pangunahing plataporma ng Bilyonaryo News Channel laban sa propaganda ng mga taong nasa kapangyarihan at panlaban sa mga nagkakalat ng fake news. Ang Agenda ang tatalakay sa mga pinakamalalaking isyu kada araw na may malaking epekto sa bansa at sa buhay ng sambayanan. Tatalakayin dito ang bawat anggulo at aspeto sa pamamagitan ng in-depth reporting, no-nonsense, hard-hitting interviews sa mga principal at major stakeholders.
Ang Bilyonaryo News Channel ay available sa free-to-watch television channel na BEAM TV 31 (sa pamamagitan ng mga digital TV boxes sa Metro Manila, Cebu, Davao, Iloilo, Baguio, Zamboanga, at Naga), gayundin sa pangunahing cable TV provider na Cignal Channel 24.