Sunday , December 22 2024

Look who’s talking

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

UNA, dapat kong purihin si Vice President Sara Duterte sa pakikipaglaban niya para sa karapatang pantao matapos niyang kondenahin ang operasyon ng pulisya na gumulantang sa bantay-saradong compound ng Kingdom of Jesus Christ.

Tulad ng isang anghel mula sa langit, umapela ang minamahal nating VP, na nai-imagine ko na nakasuot ng nakasisilaw sa puting damit, para sa kahinahunan at pagiging sibilisado ng ating mga awtoridad kapag humaharap sa mga taong tinatawag ang kanilang sarili na Diyos — tulad ni Pastor Apollo Quiboloy, na pilit ipinakikilala ang kanyang sarili bilang “the appointed son of God.”

Pero busisiin natin ang hustisyang ipinaglalaban dito ng mahusay magsalita na si Inday Sara. Hindi ba’t ang pastor na masigasig niyang ipinagtatanggol ay ang parehong tao na akusado ng matitinding krimen, kabilang ang sex trafficking ng kababaihang menor de edad, panloloko, at pang-aapi?

Dahil sa mga pinaggagagawang ito ni Quiboloy, napagtuunan siya ng atensiyon ng mga US federal prosecutors, na kinasuhan siya dahil sa karima-rimarim na mga krimeng ito. At sa kabila ng mga paglabag na ito, na nakapanghihilakbot para sa isang kapwa Davaoeño, at pastor pa man din, ang mariing kinondena ng Bise Presidente ay ang umano’y “gross abuse of police power” nang subukan ng mga awtoridad na magsilbi ng arrest warrant laban sa religious leader.

Hindi naman na nakagugulat ito, kung ikokonsidera ang ilang dekada nang malalim na ugnayan sa pagitan ni Quiboloy at ng ama ni VP Sara, si dating pangulong Rodrigo Duterte. Isa si Quiboloy sa pangunahing tagasuporta ni Duterte, karaniwang ginagamit ang kanyang impluwensiya at relihiyon upang isulong ang ambisyong politikal ni Duterte. Bilang ganti, mistulang ini-enjoy naman ng pastor ang proteksiyon laban sa pananagutan na nakamit niya sa panahon ng administrasyong Duterte, wala halos sumisilip sa mga ginagawa niya habang nagpapatong-patong na ang mga alegasyon laban sa kanya.

 At ngayong binabatikos ni VP Sara Duterte ang operasyon ng pulisya, hindi natin maiwasang mapatanong: Tungkol nga ba ito sa pagbibigay-proteksiyon sa karapatang pantao, o tungkol ito sa pagpoprotekta sa isang makapangyarihang kaalyado upang makaiwas mapanagot sa batas? Umaalingasaw ang pagiging ipokrito. Dapat na sumusunod sa batas ang lahat, kahit gaano pa kalakas ang kapit nila sa mga makapangyarihan.

               Bukod dito, sino nga bang niloloko natin kapag nadako na ang usapan sa matinding pag-abuso sa kapangyarihan? Ipaalala kaya natin ang alam na alam ng publiko na gera kontra droga, na pumatay sa libo-libong tao noong ama niya pa ang presidente ng bansa simula 2016 hanggang 2022.

               O, ungkatin kaya natin ang walang kontrol na paggamit ni Inday Sara sa pondo ng taongbayan noong siya pa ang Education secretary. Ano, sa palagay ng minamahal nating VP at ng kanilang pamilya, ang moralidad na mayroon sila para magsalita tungkol sa usapin ng karapatang pantao o sa pagbibigay-proteksiyon sa publiko laban sa mga umaabuso sa kapangyarihan?

Depensa ng PNP

Marahil makakukuha tayo ng katwiran sa isinagot ng Philippine National Police (PNP) sa kasong ito. Nanindigan si Gen. Rommel Francisco Marbil na ang operasyon ng pulisya sa compound ni Quiboloy ay lehitimo at bunsod ng mga seryosong kaso na kinahaharap ngayon ng puganteng pastor.

Binigyang-katwiran ng PNP Chief ang pagpapakilos niya ng napakalaking puwersa ng mga pulis dahil sa komplikadong misyon. Napakalawak ng compound ni Quiboloy at mahalagang matugunan ang mga panganib, partikular na dahil sadyang agresibo ang ugali ng ilan sa mga tagasunod ng pastor.

Kung legal na batayan ang pag-uusapan, karapatan ng PNP na ipagpatuloy ang operasyon nito hanggang sa hindi pa naisasakatuparan ang mga warrant, ayon kay Marbil. Pero, huwag din sana nating kalimutan ang puno’t dulo ng lahat ng ito: Dapat nang sumuko si Quiboloy!

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …