HATAWAN
ni Ed de Leon
MEDYO bantulot pa rin at ngatal ang boses ng actor na si Sandro Muhlach nang sabihin ang buong detalye ng panghahalay na ginawa sa kanya. Nananaig pa rin kay Sandro ang trauma at ang malaking kahihiyan na malaman ng lahat kung ano ang nangyaring pagpugay sa pagkalalaki niya. Pero ipinilit ni Senador Jinggoy Estrada na kailangang magsalita siya at ipagpatuloy ang imbestigasyon. Dahil doon muling nagsagawa ng isang executive session na hindi lalabas sa publiko ang anumang sasabihin ng mga resource person.
Mahahalata mong nag-ipon ng lakas ng loob si Sandro nang tumawag ang mga senador ng isang executive session. Ang aktibo lang naman sa pagtatanong ay sina Senador Jinggoy at Sendor Robin Padilla. Mukhang medyo umatras si Senador Bong Revilla dahil noong nakaraang hearing ay diretsa na niyang sinabi na naniniwala siya sa statement ni Sandro, dahil nakita niya iyon at nakaharap niya habang nanginginig na sinasabi kung anong panghahalay ang ginawa sa kanya.
Samantala, diretsahang tinanong ni Sen Jinggoy kung totoo nga bang nag-alok sila na magbibigay ng donation sa isang charitable institution na pipiliin ng mga Muhlach, at sumagot si Jojo Nones na hindi raw totoo iyon. Dalawang ulit pang nagtanong si Sen Jinggoy na itinanggi naman ni Nones, at saka inilabas ng senador ang isang affidavit mula kay Atty. Anette Gozon Valdez na nagpapatunay na nag-alok nga silang magbigay ng donation.
Tinangka pang magpalusot ni Nones sa pagsasabing nag-aalok sila ng donation pero hindi bilang areglo sa kaso dahil wala silang ginagawang masama. Muling binasa ng senador ang isang bahagi ng affidavit na sinasabi ni Gozon na nag-alok nga silang magbibigay ng donation sa isang charitable institution at bagama’t hindi diretsahang sinabing areglo iyon ganoon ang lumalabas kung uunawain mo ang statement. Ibig sabihin, nag-corroborate ang statement ni Nino sa alok ng dalawang suspect, “habang umiiyak pa sila noon” at sa sinabi ni Atty. Gozon na nakarinig ng lahat.
Dahil doon sinabi ni Senador Jinggoy na hindi nagsasabi ng totoo si Nones at naghain siya ng isang mosyon na iyon ay patawan ng contempt. Dahil wala namang narinig na tumutol sa mosyon agad na inutusan ni Senador Robin Padilla ang mga sergeant at arms ng senado na dalhin na si Nones sa kanilang detention center hanggang sa magsabi siya ng totoo, sabi ni Sen Jinggoy. Mabuti at si Nones na lamang ang nagsalita, nanatiling tahimik si Cruz na siguro kung kumibo pa dalawa pa silang na-detain.
Kasabay niyon diretsahang nagbigay na rin ng pahayag ang singer na si Gerald Santos na nagsabing tinangka rin daw siyang gahasain ng isang musical director ng GMA noong 15- anyos pa lamang siya. Pinilit siyang papuntahin ng musical director sa kuwarto niyon sa hotel ng hatinggabi dahil daw sa rehearsals na kailangan nilang gawin. At dahil nauna roon ay may pagtatangka na sa kanya ang musical director, gumawa siya ng alibi na masama ang kanyang pakiramdam at pinainom siya ng gamot kaya hindi siya puwedeng mag-rehearsal.
Nang mabigo sa ikalawang pagkakataon tumawag daw ng meeting ng lahat ng staff ang musical director at sinabing may attitude problem siya at tumatanggi sa rehearsals.
Nang sumunod daw na linggo, hindi na lang siya pinapasok sa studio at sinabihang wala siyang bahagi sa show na iyon.
Nagreklamo daw si Gerald sa management at lalo siyang napasama dahil hindi na siya nabigyan ng kahit na anong show sa network, kaya siya lumipat naman sa iba.
Nakalulungkot sabi pa ni Gerald, dahil sila pa raw mga biktima ng sexual harassment ang nawawalan ng trabaho sa GMA. Posibleng hindi nga nahahalata ng management ng GMA, pero masyado nang makapangyarihan ang mga bakla sa kanilang network at kaya nilang patayin ang career ng sino mang papalag sa kanila.
Hindi ba parang ganyan din ang nagyari sa career ni Mike Tan na tumamlay at ngayon nga ay ni hindi mo na halos siya mapanood sa kanyang home network, at iyan ay matapos niyang ireklamo sa management ang isang bading na director na hinipuan siya habang nagpapahinga sa set.
Kailan nga ba magwawakas ang malakas na sabwatan?