SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NAGSAMPA na ng kaukulang kaso si Sandro Muhlach sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) laban sa dalawang GMA independent contractors na sina Jojo Nones at Richard “Dode” Cruz.
Nagtungo si Sandro kasama ang amang si Nino Muhlach sa DOJ para maghain ng reklamong rape through sexual assault laban sa dalawang writer ng Kapuso Network.
Kasama rin nilang nagtungo sa DOJ ang kanilang abogado at ilang tauhan ng National Bureau of Investigation sa pagsasampa ng kaso. Unang naghain ng complaint si Sandro sa NBI na siyang nagsagawa ng paunang imbestigasyon sa kaso.
Kasama rin daw nina Sandro at Niño ang dalawang saksi na sinasabing magpapatunay sa umano’y ginawang panghahalay sa Sparkle artist.
“Finally, umabot na kami sa araw na ito na we’re finally filing a case and onwards.
“Siyempre magkakaroon na ng mga court hearing and siguro soon makakamit namin ‘yung justice, which Sandro deserves,” positibong pahayag ni Niño sa panayam ng media.
“Parang nakalulluwag sa dibdib dahil umabot na tayo sa araw na ito. Ang bigat kasi nakikita mo ‘yung anak mo araw-araw na nagsa-suffer, ‘di makakain, di makatulog,” pagbabahagi pa ni Nino.
Sinabi naman ng legal counsel ni Sandro na si Atty. Czarina Raz, bukod sa kasong rape, sinampahan din nila ng multiple counts of acts of lasciviousness ang dalawang independent contractors ng GMA.