GRABENG pagseselos at sobrang pagnanasa ang pinaniniwalaang dahilan ng madugong pagwawakas ng relasyon ng isang live-in partners sa Caloocan City.
Lalo pa itong napatunayan nang maaresto ng mga awtoridad ang suspek na si Reyand Pude, 22 anyos, sa isang follow-up operation sa Tanza, Cavite kahapon, Biyernes, 16 Agosto, dalawang araw matapos pagsasaksakin sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang kumalas na live-in partner, kinilalang si Marian Angeline Manaois, 22, sa harap ng isang restaurant sa Barangay 85, Bagong Barrio, Caloocan City.
Iniharap ni Police Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., regional director of the National Capital Region Police Office (NCRPO), si Pude sa publiko at kinompirmang selos ang motibo plinanong pagpaslang.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, sina Pude at Manaois ay dalawang buwan nagsama hanggang hilingin ng biktima na maghiwalay na sila.
Inakusahan ni Pude si Manaois na mayroong ibang karelasyon, ngunit itinanggi ng biktima, kaya sapilitang kinuha ng suspek ang pitaka at cellphone ng babae upang hindi makaalis sa kanilang bahay. Sa kabila nito, Umalis si Manaois at bumalik sa bahay ng mga magulang.
Ngunit sa kagustohang mabawi ang kanyang wallet at cellphone, sumang-ayon si Manaois na makipagkita kay Pude nang wala man lang pagdududa sa masamang plano ng kanyang ex o dating kinakasama.
Nang gabing iyon ng Miyerkoles, 14 Agosto, dakong 7:20 pm, habang hinihintay ni Manaois si Pude sa harap ng isang restaurant sa Loreto Street isang lalaking nakasuot ng hooded jacket ang biglang umatake sa biktima na nakatutok ang kutsilyo sa tagilirang bahagi ng kanyang katawan.
Sinubukang tumayo ng biktima nang matumba sa kalsada ngunit binalikan siya ng suspek saka inundayan ng sunod-sunod na saksak. Tumakas ang suspek sa direksiyon patungong EDSA sa Quezon City saka itinapon ang kutsilyo sa tabing kalsada.
Nakunan ang insidente at nairekord sa CCTV kaya natuklasan na ang suspek ay kompiormadong si Pude.
Dinala si Manaois sa MCU hospital ngunit idineklarang wala nang buhay nang idating doon.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Caloocan City Police Station habang inihahanda ang mga dokumento para sa inquest proceeding sa duty prosecutor ng Caloocan.
“My deepest sympathies go out to the family of the victim. While no action can undo the pain of this loss, I want them to know that we are fully committed to securing justice in her name,” ani Nartatez. (HNT)