HATAWAN
ni Ed de Leon
“KAY Sandro, hindi pa huli ang lahat. Aminin mo nang alam mo sa puso mo na wala kaming ginawang masama sa iyo,” sabi ni Jojo Nones mula sa isang prepared statement na salitan nilang binasa ni Richard Dode Cruz para kay Sandro Muhlach.
Mabilis naman iyong sinalag ni Senador Jinggoy Estrada na nagtanong, “ibig ba ninyong sabihin nagsisinungaling si Sandro?” na hindi naman sinagot ng sino man sa dalawa.
Sinundan pa iyon ni Senador Bong Revilla ng, “nakita ko si Sandro noong sumunod na araw nanginginig iyong bata sa takot dahil sa ginawa sa kanya. Nakita ko iyan sa dalawang mata ko, at naniniwala akong totoo ang sinasabi ni Sandro.”
Kasabay niyon ibinulgar din ni Nino Muhlach na nagharap na sila ng dalawang suspect sa bahay ni Atty. Anette Gozon dahil noong una nga raw ay ayaw na sana nilang palakihin pa ang gulo, at sa usapang iyon sinabi ni Nino na nag-apologize pa raw sa kanya ang dalawa, at nagsabi pang nakahanda silang magbigay ng donation sa isang charitable institution na pipiliin ng mga Muhlach kung patatawarin sila. Na sinagot naman daw ni Nino ng, “mapapatawad ko kayo pero kailangan ninyong panagutan sa batas ang ginawa ninyo sa anak ko.”
Ikinaila naman iyon ng dalawa na ang sinabi raw nila ay, “Sorry po pero wala kaming ginawa kay Sandro.”
Na sinalubong lamang ng makahulugang ngiti ng mga senador.
Sa bandang huli, tila inis na si Sen Bong na nagsabi sa dalawa ng, “rito hindi na natin pinag-uusapan si Sandro, hindi na rin kayo, ang gusto naming malaman kung paano nangyari para makagawa kami ng batas para wala nang maulit pang ganyan.”
Pinagsalita rin nila ang isa pang resource person, si Atty. Lourdes Kapunan na tumayo namang abogado ni Gretchen Fullido sa isang kaso rin ng sexual harassment mula sa isang lesbian producer ng mga news program sa ABS-CBN.
Sinabi ni Kapunan, “anim na taon na ang kaso namin pending pa rin dahil ang inireklamo ay mga empleadong may malakas na kapit sa network. Mahirap kumuha ng testigo, dahil takot alam nilang oras na tumestigo sila ay maaari naman silang mawalan ng trabaho. Lahat naman ng network ay nagsasabing may ipinatutupad silang code of conduct, pero ewan kung bakit para sa kanilang code ay mas protektado pa ang suspect kaysa victims. Isa pa, magaan lamang ang parusa sa mga ganyang panghahalay kailangan nang palitan ang mga umiiral na batas.”
Sinabi pa ni Kapunan na nangakong magbibigay ng suggestions sa mga senador tungkol sa mga susog na dapat gawin sa mga batas.
“Hindi naman kami imbestigador ng kaso o hukom sa kasong iyan. Pero may mga opinion kami batay sa aming karanasan sa coverage bilang isang peryodista sa mga korte noong araw. Pero ang mga opinyong iyan ay hahawakan na lang namin hanggang sa hindi natatapos ang kasong iyan na alam naming magtatagal sa korte dahil karaniwang taktika na ng depensa na patagalin ang kaso hanggang sa mawalan na ng gana ang complainant. At isang katotohnn din na ang isang defense lawyer ay mas maraming magagamit na options kaysa prosecutor.”