HATAWAN
ni Ed de Leon
ANO ang akala ninyo just just lang si Nadine Samonte kaya okey kung ‘na-Eva Darren’ siya sa gala ng GMA kahit na siya ay contract artist ng talent arm ng network na Sparkle? At bakit ni walang nagawa ang kanyang handler at hindi nasolusyonan na hindi siya kasama sa listahan kaya walang upuan at wala siyang table assignment kahit na may invitation siya at nag-confim siyang darating? Ano ang silbi ng managers kung hindi man lang nila maiiwas sa kahihiyan ang kanilang talent?
In fact nabigyan nga siya ng instructions kung anong oras siya kailangan sa venue bilang sagot sa kanyang confirmation na darating siya.
Hindi mo masasabing ok lang iyon. Gumastos din siya sa ipinagawa niyang gown para sa nasabing gala, sumunod siya sa theme na black and white with sparkles. Ano ang dahilan para mawala ang pangalan niya sa listahan sa loob?
Natural lang na magalit si Richard Chua sa ginawa sa asawa niya kaya nga nakapagsalita iyon ng, “hindi kita pinayagang mag-artista ulit para lang mabastos.” Hindi si Nadine iyong kailangang mag-artista para magkapera. Maayos ang buhay nila ng pamilya niya, may mga negosyo ang asawa niyang si Richard na sapat naman para buhayin sila. May mga lupain iyon at pananim sa Zambales.
Si Richard ay anak ng batikang aktres na si Isabel Rivas. Si Nadine ay manugang ni Isabel. Ibig sabihin, kabilang din sa pamilya ng mga Gumabao, hindi basta-basta iyan.
Sa kabila ng nangyaring “na-Eva Darren” si Nadine, walang apologies man lang mula sa organizer ng gala na GMA Network.
Maaaring ituro nila na kapabayaan iyon ng production arm nila, pero sila pa rin ang organizer na naglagay kay Nadine sa kahihiyan. Kailangan pa rin nilang mag-apologize dahil sa incompetence ng kanilang talent arm na hindi man lang napangalagaan ang kanilang talent.
Masyado yata silang excited kasi sa mga artista ng ABS-CBN na dumating sa gala nila kaya napabayaan nila ang sarili nilang artists.
May apologies din ba sila kay Herlene BUdol na nahulog sa stage nila habang rumarampa? Bakit nangyari iyon? Wala ba sa kanilang nakabantay man lang para pagsabihan ang mga artista kung mahuhulog na sila? Mukhang nagiging tatak na nila iyan dahil si Eddie Garcia nadapa rin dahil napatid ng cable sa kanilang taping, si Kris Aquino nahulog din sa stage nila. Ilan pa ba ang kailangang madesgrasya para maging maingat sila?
Maraming kailangang ipaliwanag ang GMA sa ginawa nilang gala pero dapat matuwa sila ha, dahil mas pinag-usapan sila kaysa ginanap na “tie awards”. Ang masakit nga lang doon tila lumalabas na mas palpak sila kaya sila mas napag-usapan.