SIPAT
ni Mat Vicencio
DAPAT pag-isipang mabuti ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kung nararapat bang kunin bilang kandidato sina dating Senator Manny Pacquiao at Senator Lito Lapid at mapabilang sa senatorial slate ng administrasyon sa nakatakdang halalan sa 2025.
Pawang “de kalibre” ang umuugong na senatorial candidates ni Bongbong kung ihahambing kina Pacman at Leon Guerrero na halos walang maipagmamalaki kundi kapalpakan sa panunungkulan bilang mga mambabatas sa Kongreso.
Sino nga ba ang hindi makakikilala kay Pacman na bukod sa isang sikat na boksingero, tinagurian ding bulakbol at batugang legislator.
Nang unang mahalal na kongresista, si Pacman ang naitalang may pinakamaraming absent sa Kamara. At nang maluklok naman bilang isang kagalang-galang na senador, hirap na makipagbaliktaktakan sa plenaryo at bibihirang sumalang sa mga imbestigasyon sa Senado.
Hindi ba’t dati na ring nasangkot si Pacman sa kontrobersiya kaugnay sa kasong hindi pagbabayad ng buwis at usapin ng kanyang anak sa ibang babae?
Pero siyempre, parang boksing lang ang datingan, at ang lahat ng kanyang problema ay nailagan at nalusutan.
Si Leon Guerrero naman, sikat bilang “Chairman ng Committee on Silence,” walang pakialam sa mga kaganapan sa Senado, at halos hindi lumalahok sa mga committee deliberations kahit ang pinag-uusapan ay napakahalagang isyu patungkol sa gobyerno.
At ano na kaya ang nangyari sa usapin ng illegal POGO na ngayon ay nasasangkot ang pangalan ni Leon Guerrero? Nasagot na ba ni Leon Guerrero ang akusasyon ni Toto Causing, isang vlogger, laban kanya?
Kumustahin na rin natin ang head ng media group ni Leon Guerrero… kamote pa rin ba?
Pansinin din ang latest senatorial survey ng Pulse Asia at OCTA Research, nangangamote si Leon Guerrero at hindi makapasok sa “Magic 12” dahil kung hindi nasa 13th place, kung minsan naman ay nasa ika-14 na puwesto.
Si Pacman naman ay patuloy na bumababa sa survey ng Pulse Asia. Kung dati ay nasa ika-6 na puwesto, ngayon ay nasa ika-8 na lamang.
Sa latest survey naman ng OCTA, si Pacman ay laglag na sa ika-11 puwesto, kung ikokompara sa dating 8th place nito.
Kaya nga, kailangan talagang kumilos kaagad si Bongbong para mapatalsik sina Pacman at Leon Guerrero at tuluyang hindi mapabilang ang dalawang ‘basurang’ politiko sa senatorial slate ng administrasyon.