ISANG miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang boluntaryong sumuko sa pulisya sa Lungsod ng Malolos, Bulacan kahapon, Hulyo 18, 2024.
Batay sa ulat kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office (BUL PPO), kinilala ang sumuko na si alyas Ka Carlos, 46, welder, miyembro ng Rebolusyonaryong Hukbong Bayan (RHB), na kumikilos sa mga baybaying lugar ng Bulacan, Pampanga, at Bataan.
Siya ay nahimok na sumapi sa nabanggit na grupo ng mga rebelde para umano sa reporma ng gobyerno upang matamo ang pantay na karapatan at maiwasan ang kawalan ng hustisya sa lipunan.
Ayon sa Force Commander ng 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC), dakong alas-11:30 ng umaga sa Camp Alejo S Santos, Brgy. Guinhawa, Malolos, Bulacan, ang mga pinagsamang elemento ng 1st PMFC, kasama ang Malolos CPS, Bulacan PIU, 301st MC RMFB, at 70IB PA ay pinadali ang pagsuko ng nabanggit na rebelde.
Isinuko rin ni alyas Ka Carlos ang isang cal. .38 revolver na walang serial number, at tatlong pirasong bala ng cal .38
Ang sumukong miyembro ng communist terrorist group ay kasalukuyang nasa kustodiya ng 1st PMFC para sa imbestigasyon at custodial debriefing. (MICKA BAUTISTA)