HATAWAN
ni Ed de Leon
KAWAWA rin naman si James Reid kung noong panahon ng kanyang kasikatan ay tinitilian siya ng kanyang fans, ngayon puro panlalait ang natatanggap niya sa internet. Bukod nga sa katotohanan na bagsak na ang kanyang career. Mapapansin mo rin sa kanyang mga picture, mukha siyang napaglipasan na ng panahon. Wala nang porma ang kanyang katawan at nagmukha na ring matanda ang kanyang mukha.
Siguro nga kung hindi na aangat pa si James mas mabuting magpahinga na muna siya. Mag-asawa na siya tutal nakahanda namang pakasal sa kanya si Issa Pressman. Sa ganoon ay matatahimik muna ang kanyang buhay at baka makabawi pa siya ulit pagdating ng araw.
Sa ngayon parang wala sa direksiyon ang buhay at ang career ni James, lalo na nga’t ang kasosyo pa niyang Koreano ay nahuli dahil sa pagnenegosyo sa Pilipinas ng walang business permit. Kaya nawalan talaga siya ng katuwang.
Kahit na ano namang tingin, mukhang hindi maiaangat ni James ang sarili niyang career sa ngayon. Kaya nga maski ang talent niyang si Liza Soberano natigil na sa pamamarali na siya ay magiging isang Hollywood star. Natuklasan na niya ang katotohanan na mahirap pala at lalo na ang humahawak sa kanya ay wala namang kasanayan sa Hollywood na kagaya ni James. Kung sanay sa Hollywood iyang si James eh ‘di naisingit na niya ang kanyang sarili at malamang pati ang syota niyang si Issa. Eh wala eh.