HATAWAN
ni Ed de Leon
NAKATUTUWA ang mga pangyayari, ngayon pala ay magsisimula na ring mag-produce ng mga pelikula sina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado. Siguro nga bilang mga artista ay marami silang idea at maraming naiisip na magagawa para sa industriya, iyon nga lamang wala pa silang kakayahang sumabak sa laban ng pag-gawa ng pelikula kaya ang iniisip nila ay gumawa ng pelikula para sa Netflix. Hindi nga naman ganoon kalaki ang puhunan para sa isang pelikulang pang video streaming lamang, hindi rin nila problema ang marketing ng pelikula, at kung ilalabas sila sa Netflix, hindi lamang sa Pilipinas kundi mapapanood sila sa buong mundo.
Maaaring hindi makuha ang pelikula nila para maipalabas sa sinehan sa abroad pero naroroon ang posibilidad na mapansin ang mga artistang Filipino at makuha sila ng mga dayuhan para sa mga pelikulang kanilang ginagawa. Sa totoo lang, marami tayong mahuhusay na artista pero hindi makapasok sa industriya sa abroad dahil kulang sila sa exposure.
Ngayon kung gagawa nga naman ng matitinong pelikula at makita sila ng mga film producers doon possible silang makuha.
Sana magtagumpay sina Dennis at Jen sa balak nilang iyan. Malaking tulong iyan para sa industriya at sa mga manggagawa sa pelikula dahil magkakaroon sila ng trabaho.
Sa ngayon iyan ang malaking problema ng industriya, maraming manggagawa ang nakatanga lamang dahil wala ngang ginagawang pelikula at wala silang trabaho.