HATAWAN
ni Ed de Leon
NAGULAT kami noong isang araw sa isang social media post na nakitang nasa Pilipinas na pala ang dalawang anak ni Kris Aquino na sina Bimby at Josh, at take note nakipagkita sila kay First Lady Liza Araneta Marcos. Napakaraming taon na simula nang magkalaban ang pamilyang Aquino at Marcos, na ang tunay namang pinagmulan ay ang Hacienda Luisita.
May mahabang kuwento iyan simula nang mabili ng gobyerno mula sa Tabacalera Inc. ang lupaing bumubuo noon sa Central Azucarera de Tarlac, na nang malaunan ay tinawag na Hacienda Luisita at kung paano iyon napunta sa pamilya ng mga Cojuangco. Hindi na natin tatalakayin ang kuwentong iyon dahil napakahaba para pag-usapan. Pero iyan ay naikuwento sa amin ni Ka Luis Taruc, na binili raw ng gobyerno at ang pangako noon ni Pangulong Ramon Magsaysay ay gagawing isang land reform area para sa mga dating kasapi ng Hukbalahap, matapos nilang sumuko at itigil ang pagrerebelde. Iyan kasing Hukbalahap, ay mga bayaning Filipino na lumaban sa mga Hapon pero nang matapos ang giyera ay hindi kinilala ng US at itinuring pang mga tulisan. Kaya nga tinawag na Hukbalahap eh dahil sila ay mga hukbo ng bayan laban sa Hapon.
Sa usaping iyan nagsimula ang laban ng mga Marcos at mga Aquino.
Mula noon tila langis at tubig na ang dalawang angkang iyan. Pero nakatutuwang isipin na ngayon ay mukhang nagsisimula na ang mabuting usapan dahil sa pagdalaw ng mga anak ni Kris sa Unang Ginang. Baka naman sa pagtagal ay magkasundo o kung hindi man matigil na ang awayan ng dalawang pamilya. After all, nagawa na naman nilang patalsikin noon ang mga Marcos at ngayon naman nakabalik na silang muli sa dati nilang kalagayan. Magpatawaran na lang at magtulungan alang-alang sa bayan.