PITONG dekada at anim na taon ang lumipas nang magsimula ang diplomatikong relasyon ng Filipinas at Argentina noong 1948. Mula noon, ang pagtutulungan para sa pantay na kasunduan, kalakalan, at palitan ng kultura sa pagitan ng dalawang bansa ay lalo pang yumabong.
Itinuturing na may pinakamalaking kabuhayan o ekonomiya sa Latin America, ang Argentina ay may mahalagang papel sa pandaigdigang komersiyo. Matibay ang potensiyal para sa kalakalakan at pamumuhuan sa pagitan ng dalawang bansa — ang Filipinas na pinagkalooban ng mayabong na likas na yaman, mayamang lakas paggawa, at magilas na mga industriyang pang-ekonomiya.
Ang mga tanggapang pang-diplomatiko ng Filipinas sa Buenos Aires ay epektibong daluyan para sa mga negosyanteng Argentinian na nagnanais mamuhunan sa bansa na kinabibilangan ng sektor ng alak, karne ng baka, parmasyotiko, software, malikhaing industriya, at iba pang kagaya nito.
Kooperasyon sa Enerhiya
Isa sa mga potensiyal na larang ay ang kooperasyon sa enerhiya na may malaking pangako para sa dalawang bansa. Kilala ang Argentina bilang eksperto sa enerhiyang nuclear, kaya sila ang nasa tamang posisyon na mag-alok ng mahahalagang kabatiran o kaalaman sa paggamit nito sa Filipinas na ngayon ay naglalayong muling pasiglahin ang sektor ng lakas nuclear.
Noong Setyembre ng nakaraang taon, sa pagbisita ng Kalihim ng Ugnayang Panlabas na si Enrique Manalo
sa Buenos Aires para sa bilateral talks sa kanyang katapat na si Santiago Andres Cafiero, kaugnay ng imbitasyon para markahan ang ika-75 taong diplomatikong realsyon, tinalakay ng dalawang opisyal ang mga potensiyal na larang para sa kooperasyon
kabilang ang nuclear at nababagong enerhiya, kalawakan, agham forensico at patolohiya, at pag-aangkat ng bigas.
Muli rin nilang binanggit ang mga pinag-usapan sa
5th Bilateral Consultation Meeting sa Maynila at ang unang Ministerial-level Scientific and Technical Mission mula sa Filipinas patungong Argentina na ginanap noong Abril 2023 sa Maynila.
Kalawakan
Sa nasabing Mission, lumagda ang dalawang bansa sa isang kasunduan ng pagtutulungan sa mapayapang paggamit ng kalawakan sa seremonyang ginanap
sa Diamond Hotel Philippines sa Makati.
Ang memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng Filipinas at Argentina ay kinapapalooban ng maraming larang ng kooperasyon kabilang ang EO o ang Earth Observation mula kalawakan (ang EO ay ang kakayahang gumamit ng satellite para mangalap ng impormasyon na maaaring gamitin sa pag-aaral ng kaligiran, likas na yaman, at pamamahala sa emerhensiya); pagpapaunlad ng satellite system at mga aplikasyon nito; impraestruktuta para sa sistemang pangkalawakan at mga aplikasyon nito;
pangkalawakang edukasyon at pagsasanay; at promosyon ng industriyang pangkalawakan.
Ang nasabing MOU ay nilagdaan nina Philippine Space Agency Director General Dr. Joel Joseph S. Marciano, Jr., at Foreign Policy Undersecretary ng Ministry of Foreign Affairs and Worship ng Argentine Republic na si Claudio Javier Rozencwaig.
Kaugnay ng nasabing MOU, ipinahayag ni Dr. Marciano, “Ang kasunduang pakikipagtulungan sa Argentina ay bagong milyahe sa pagsisikap na palalimin ang ating ugnayan sa mga bansang may kakayahang pangkalawakan. Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng Philippine Space Agency (PhilSA) sa
Argentine Republic’s National Commission on Space Activities (Comision Nacional de Actividades Espaciales or CONAE), tayo ay nagbubukas ng bagong kapana-panabik na hangganan sa ating mahaba at mayamang relasyon at karagdagang oportunidad para sa pagpapayabong ng ating lokal na pangkalawakang ecosystems.”